Regulatory fees sa pagbiyahe ng agricultural products tinapyasan para sa oil price relief

Regulatory fees sa pagbiyahe ng agricultural products tinapyasan para sa oil price relief

Nagpatupad ang pamahalaan ng mga hakbang upang bawasan ang gastos ng mga trucker at shipping operators na nagdadala ng mga agricultural products.

Sa kasalukuyan, nananatiling hamon ang mataas na gastos sa transportasyon, lalo na sa sektor ng agrikultura.

Dahil dito, naglabas ng direktiba ang Malacañang upang mapababa ang mga gastusin sa paglilipat ng mga produkto.

Inihayag ni PCO Usec. Claire Castro na binawasan na ng pamahalaan ang mga regulatory at terminal fees para sa mga trucker at shipping operators sa direktiba ni Pangulong Marcos Jr. at Executive Secretary Ralph Recto.

“Ang sabi po niya ay naiintindihan niya po talaga ang bigat na dinadala ng ating mga truck drivers at shipping operators sa pagtaas ng presyo ng langis kaya agaran pong gumawa ng hakbang sa utos na rin ni Pangulo si ES Ralph Recto,” ayon kay Usec. Claire Castro.

Kabilang sa mga aksyong ito ang 75 porsyentong bawas sa mga bayarin sa regulasyon ng Maritime Industry Authority (Marina).

Sakop nito ang mga permit, safety certificate, pagpaparehistro ng barko, at akreditasyon.

Binawasan din ang taunang bayad para sa tonnage.

Ang mga barkong higit sa 15 gross tonnage ay magbabayad lamang ng piso kada gross tonnage para sa taong 2025, na babayaran sa 2026.

Ang mga barkong 15 gross tonnage pababa naman ay libre na o exempted sa naturang bayarin.

Kasabay nito, sinuspendi rin ng MARINA ang bagong iskedyul ng mga singilin na inilabas noong Enero.

“Suspended the implementation of its January issued schedule of fees and charges on period starting April 20 and will remain enforced for one year or for the duration of the State of National Energy Emergency unless earlier lifted or revised,’’ saad ni Usec. Claire Castro.

Para naman sa mga dadaan sa pantalan, ibinaba ng Philippine Ports Authority sa piso na lamang ang terminal fee sa roll-on roll-off o RORO para sa mga sasakyang may dalang produktong agrikultural.

Malaki ang matitipid dito dahil ang dating singil ay nasa P258 hanggang P516.

Bukod sa mga pantalan, may tulong din sa mga kalsada. Ipinatupad ng Department of Agriculture at Department of Transportation ang “toll fee waiver” para sa mga cargo truck na akreditado ng DA.

Inaasahang aabot sa P100 milyon ang kabuuang matitipid ng mga hauler sa ilalim ng programang ito na nagsimula sa Abril 20, 2026.

Bilang dagdag na tulong, hindi na rin sakop ng truck ban ng MMDA at mga lokal na pamahalaan ang mga sasakyang nagdadala ng mahahalagang produkto, mga pagkaing madaling masira, at mga oil tanker upang masiguro ang mabilis na daloy ng supply sa merkado.

Follow SMNI NEWS on Twitter