CAB, itinaas ang fuel surcharge sa Level 19

CAB, itinaas ang fuel surcharge sa Level 19

Panibagong dagdag-pasanin sa mga biyahero ang nakaambang pagtaas ng pamasahe matapos maglabas ng advisory ang Civil Aeronautics Board (CAB).

Nakasaad dito ang pagtaas ng fuel surcharge bilang bahagi ng 15-day cycle adjustment na nakabatay sa galaw sa presyo ng jet fuel sa pandaigdigang merkado.

Sa ilalim ng Level 19, maaaring madagdagan ng ₱627 hanggang ₱1,834 ang pamasahe sa domestic flights, depende sa distansya.

Sa international flights naman, aabot sa ₱2,070.77 hanggang ₱15,397.15 ang dagdag-singil.

Pinapayagan ang mga airline na maningil ng fuel surcharge, ngunit hindi dapat lalampas sa maximum rate na itinakda ng ahensya.

Kailangan din muna nilang magsumite ng aplikasyon bago ito ipatupad.

Para sa mga singil na nasa dolyar, itinakda ang palitan sa 1 US dollar = ₱59.95 para sa conversion.

Ayon sa CAB, pansamantala lamang ang fuel surcharge at maaari itong baguhin depende sa galaw ng presyo ng fuel sa merkado.

Samantala, inamin ng AirAsia Philippines na malaki ang epekto ng patuloy na pagtaas ng presyo ng jet fuel—na higit pa sa doble kumpara noong 2025—dulot ng umiiral na geopolitical tensions.

Sa kabila nito, tiniyak ng AirAsia Philippines na patuloy silang maghahanap ng paraan upang manatiling abot-kaya ang paglalakbay.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter