MALAPIT nang tuluyang maisabatas ang New Philippine Passport Act kung saan maaari nang mag-renew ng kanilang passport ang mga senior citizen at migrant workers sa pamamagitan ng virtual.
Ibig-sabihin, hindi na nila kailangan pang magtungo nang personal sa tanggapan ng Department of Foreign Affairs (DFA) para sa renewal ng kanilang passports.
Ito’y matapos aprubahan ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa ang Senate Bill No. 2001 nitong Lunes, Setyembre 25.
Sa ilalim ng panukalang batas, inatasan nito ang DFA na makipag-ugnayan sa mga kaukulang ahensiya ng pamahalaan sa paglikha ng online application portal at electronic one-stop shop para mapabilis at mapadali ang aplikasyon at pagsumite ng mga kinakailangang dokumento.
Bukod pa rito, papayagan din ang mga Pilipinong nawalan ng passport habang nagbibiyahe sa ibang bansa na kumuha ng emergency passport na balido sa loob ng isang taon.
Ang New Philippine Passport Act ay kabilang sa priority measures ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr.