Reproduction rate ng COVID-19 sa NCR Plus 8, patuloy na bumababa – OCTA research

Reproduction rate ng COVID-19 sa NCR Plus 8, patuloy na bumababa – OCTA research

PATULOY na bumababa ang reproduction rate ng COVID-19 sa NCR Plus 8 ayon sa OCTA research.

Nakitaan ito ng pagbaba ng reproduction number o bilis ng hawaan ng COVID-19 ang Metro Manila at walo pang lugar sa bansa o ang tinatawag na NCR Plus 8.

Ayon kay OCTA research Fellow Dr. Guido David, nasa 0.63 hanggang 0.89 na lamang ang reproduction rate sa NCR plus 8.

Saysay ni David, bumagal ang reproduction number sa National Capital Region sa 0.83 simula noong October 2 mula sa 0.98 ng nakaraang linggo na mayroong 16% na positivity rate.

Naitalang pinakamataas lamang na reproduction rate ay sa Davao City na nasa 0.89, sinundan ng Pampanga at Rizal sa parehong 0.85, at sa NCR sa 0.83.

Ang Batangas naman ay nasa 0.74 ang pagbaba ng reproduction rate; Bulacan sa 0.70, Laguna sa 0.68, Cebu City sa 0.66, at Cavite na mayroong 0.63 ang reproduction rate ng COVID-19.

Kaugnay nito, inihayag ng grupong OCTA na malaki ang posibilidad na hindi na lumagpas sa 10,000 bawat araw ang mga bagong kaso ng Coronavirus sa buong bansa pagsapit ng katapusan ng Oktubre.

Ang naturang pagtaya ay kasunod ng patuloy na pagbaba pa ng new COVID-19 cases.

Ibinahagi pa ni David na mas mapabibilis ang pagbaba ng mga kaso ng COVID-19 sa bansa kapag mako-kontrol na rin ng ibang rehiyon ang “surge” o pagsirit ng mga kaso sa kani-kanilang lokalidad.

May ilang lugar pa rin, ayon sa OCTA research na tumataas ang mga kaso bagama’t bumababa na sa NCR at ilang karatig na probinsya.

SMNI NEWS