INIHAYAG ng Office of Civil Defense (OCD) na lahat ng ahensiya na kasama ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ay naghahanda na para sa pagpasok sa bansa ng Bagyong Betty o Super Typhoon Mawar.
“Ang preparation naman po natin dito sa Bagyong Betty is katulad din po ng dati, at hindi naman po kami nagpapahinga or hindi naman po kami humihinto sa pagpi-prepare dahil alam naman po natin na kada taon is mahigit 20 bagyo,” ayon kay Diego Agustin Mariano, Joint Information Center Head, OCD.
Ito ang naging pagtitiyak ni OCD, Joint Information Center Head Diego Agustin Mariano kaugnay ng inaasahang pagpasok ng Super Typhoon Mawar sa bansa.
Sa Laging Handa public briefing nitong Huwebes, sinabi ni Mariano na ‘naka-standby at on alert’ na ang rescue workers, responders, at disaster workers.
Habang ang mga naka-leave ay ipinagpaliban muna ng OCD hanggang lumipas ang bagyo.
Idinagdag pa ni Mariano na nakahanda na rin ang Department of Public Work and Highways (DPWH) para sa clearing operations sakaling kailanganin agad.
Bagama’t inaasahang hindi magla-landfall ang Bagyong Betty, ayon kay Mariano ay hahatakin naman nito ang hanging habagat.
Kaya pinapayuhan ng OCD na paghandaan din ng lahat ng probinsiya o local government units (LGUs) na nakaharap sa Western seaboard mula Ilocos pababa ng Northern Mindanao kung saan marahil lubhang maaapektuhan ng Bagyong Betty.
Bukod dito, pinaghahanda rin ng OCD ang mga LGU bandang Batanes at Cagayan Valley.
“At diyan din po sa may bandang Batanes at Cagayan Valley Area na maaari pong maapektuhan naman po nitong mismong bagyo, ang track naman po nitong bagyo is North to North-westward po ‘no so, sila po iyong maaaring mahagip o malapitan nitong bagyo po,” dagdag ni Mariano.
Kabilang din sa mga preparasyon na ginagawa ng OCD ang pagri-restock, pag-stockpile at pag-preposition ng relief goods at non-food items mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) at OCD.
Halos 800-K family food packs, naka-preposition sa buong bansa bilang paghahanda sa Super Typhoon Mawar
Samantala, ibinahagi naman ng DSWD na nasa 689,000 family food packs ang naka-preposition sa buong bansa bilang paghahanda sa Super Typhoon Mawar.
Sinabi ni DSWD spokesperson Assistant Secretary Romel Lopez na bukod dito ay may dumating na ring augmentation na 98,000 family food packs para sa Regions 1, 2, at 3 gayundin sa Central Luzon, Cordillera Administrative Region at sa ilang bahagi ng Visayas Region.
Inilahad ni Lopez na mahigit 500,000-M ang katumbas na monetary value ng kabuuang bilang ng family food packs na naka-preposition sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
“When it comes po sa Visayas and sa Mindanao, kasama po iyan doon sa ating almost 800,000 na po na family food packs na naka-preposition po natin. So, majority po noong augmented ay nandito sa Northern part po ng Luzon pero mga 40 and 30% po niyan ay nasa Eastern side po ng ating archipelago, sa Visayas at sa Mindanao,” ayon kay Asec. Romel Lopez, spokesperson, DSWD.
Kaugnay dito, inabisuhan na rin ng DSWD ang kanilang mga field office o ang kanilang mga regional director na gawin nang round-the-clock ang pagmo-monitor.
Pakikipag-ugnayan sa shipping industry, advance deployment ng rescue units at iba pang paghahanda, ikinasa ng PCG
Sa parte naman ng Philippine Coast Guard (PCG) ay puspusan na rin ang kanilang paghahanda.
“At ang mga components po ng ating preparasyon ay number 1: Una muna iyong ating mga distrito, aalertuhin na rin nila iyong mga units natin to be on full alert,” ayon kay Vice Admiral Rogelio Punzalan, Jr., OIC, PCG.
Sinabi pa ni PCG OIC Vice Admiral Rogelio Lizor Punzalan, Jr. na nakikipag-ugnayan na ang PCG sa shipping industry.
Aniya, maaaring isaalang-alang ng shipping industry ang paghahanap ng masisilungan o mapupuntahan na ligtas na ports at harbors.
Saysay pa ni Punzalan, mahigpit ding ipatutupad ang ‘no sail policy’ kung may public storm warning signals.
Na-refuel na rin ang mga barko at small boats para maging response-ready ang mga ito sa panahon ng pangangailangan.
Puspusan din ang ginagawang pagpa-publish ng typhoon and maritime safe advisories.
Bukod dito, ginagawa rin ng PCG ang pag-pro-active na pag-deploy nang advance ng kanilang units kung saan madalas nangyayari ang mga baha.
“Inatasan na po natin iyong ating mga units na kahit na way before the rain comes in, mayroon nang deployment in advance. In such a way, makaka-coordinate kaagad sila sa NDRRMC at saka sa LGUs,” ani Punzalan.