GINISA ni Senator Risa Hontiveros ang mga energy officials dahil sa pagkawala ng kuryente sa bansa sa mga nakalipas na araw.
Ilang buwan lamang matapos nitong siguraduhin sa Senado na may sapat na power supply sa bansa para sa buong taon.
Tinawag ni Hontiveros ang atensiyon ng Department of Energy (DOE) at National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) at sinabing maaaring may problema sa integridad ang mga opisyal nito o ang buong power system ng bansa.
Ito ang naging pahayag ni Hontiveros, matapos na ianunsiyo ng DOE noong Martes na nakikita nitong malalagay sa ‘yellow alert’ status ang Luzon grid ng 15 beses para sa buong taon at posible rin itong maisailalim sa ‘red alert’.
Nag-abiso ang DOE ng ‘rotating brownouts’ dahil sa inaasahan ang ‘yellow alert’ sa buong linggo ng Mayo, week 22 – 25 ng Hunyo, week 32 – 34 ng Agosto, week 35 at 38 ng Setyembre, week 39 at 42 ng Oktubre at week 47 ng Nobyembre.
Hinimok din ng senador ang DOE at NGCP na magbigay ng malinaw na power at rate outlook sa mga susunod na araw at buwan, kasunod ng hindi inaasahang power outages sa buong Luzon at Visayas bunsod ng pagloloko ng Bolo-Masinloc Transmission Lines ng NGCP.
