Senado, dismayado sa desisyon ng Malakanyang hinggil sa e-sabong

Senado, dismayado sa desisyon ng Malakanyang hinggil sa e-sabong

IKINALUNGKOT ng Senado ang naging kautusan ng Malakanyang na tuloy pa rin ang operasyon ng e-sabong sa kabila ng kanilang Senate Resolution na pinirmahan ng 23 senador.

Sa resolusyon, hinihimok ng mga senador ang PAGCOR na suspendihin muna ang operasyon ng e-sabong sa bansa hangga’t hindi nareresolba ang pagkawala ng mga sabungero.

Ayon kay Senate President Tito Sotto III, nalulungkot ito na dinala pa ng PAGCOR sa Malakanyang ang usapin sa e-sabong.

Aniya klaro na hindi gusto ng PAGCOR ang rekomendasyon ng Senado.

‘Useless’ din aniya kung mag-aapela pa sila sa Malakanyang.

“It will be useless. Ako ay nalulungkot na ang PAGCOR dinala pa sa presidente ang usapin gayong kaya naman nila aksyunan. So what does it say? Ayaw nila. So ano ang recommendation nila? Noong kausap ko ang Malacañang, si Secretary, ang sabi niya sakin hinihintay ng Presidente ang rekomendasyon ng PAGCOR at ang Senate Reso. Ano kaya obviously ang rekomendasyon ng PAGCOR? Samantalang ang tingin namin based on the law pwedeng sila, suspension lang naman hinihingi namin eh, kaya its within the power of PAGCOR and the mere fact na pinadala nila sa Presidente yong usapin, alam niyo nang ayaw nila,” pahayag ni Sotto.

Segunda ni Sen. Ping Lacson, alam ng PAGCOR na sa kanila pa lang ay may kapangyarihan silang magsuspendi kung gugustuhin ng mga ito.

“Public record naman yun, alam na ng PAGCOR yun from the very start. Susundan ko yong sinabi ni Senate President na kung ikaw merong power na mag-license may power ka rin to suspend. Kaya nung tinanong namin ang PAGCOR ano recommendation nila hindi makapagbigay ng categorical answer, ayaw nila isuspend,” ani Lacson.

Hirit ni Sotto mas doble ang pagkadismaya na nararamdaman ngayon ng mga pamilya kasunod ng naturang kautusan.

“The disappointment of the Senate cannot compare to the disappointment of families affected, if I say families affected, di lang yung nawawalang kaanak, doon din sa mga nagrereklamong pamilya dahil nagkakaproblema sila sa kanilang kapamilya dahil nalulong dahil sa e-sabong. Its double disappointment sa kanila kesa sa amin,” ayon pa kay Sotto.

Sinabi naman ni Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa, chairman ng Senate Committee on Public Order na wala siyang magagawa sa naging desisyon ng Malakanyang.

Matatandaan na sa komite ni Dela Rosa dininig ang problema sa pagkawala ng nasa 34 na mga sabungero.

Follow SMNI News on Twitter