DERETSAHAN nang sinabi ni Pamplona Mayor Janice Degamo na hindi lang iisa ang mastermind sa pagpatay sa kaniyang asawang si Governor Joel Degamo.
Nitong Lunes nang maihatid ang labi ng gobernador sa bayan ng Siaton ay kakaibang tapang ang ipinakita ni Mayor Degamo.
Sindikato, yan ang pinaniniwalaan nito na utak sa pagpaslang sa gobernador ng Negros Oriental.
Isang bagay rin ang tinitignan ngayon ng Philippine National Police ay ang pag-absent ng 5 detailed police na escort ng gobernador sa araw na ito ay mapaslang.
Galit ang motibo ng grupong pumaslang sa gobernador dahil sa pagsupil nito sa iligal na sugal kagaya ng e-sabong at droga sa probinsiya.
“Galit ang kanilang motibo dahil nanindigan kami ma ipinatigil ang lahat ng iligal na aktibidad. Totoo na panalo kayo ngayon, pero Gov. Kahit wala ka na, pangalawang beses ko na itong sinabi. Una kay Miguel, tapos si Gob, ngayon naman ako. Kahit pa ako na ang isunod na nila. Hindi nila kami mauubos dahil marami pang tatayo na kahit pa mga ordinaryong tao ay handang labanan ang mga demonyo ng Negros Oriental,” ani Mayor Cezanne Fritz Diaz, Siaton.
Sa panig naman ng Batang Provincial Board Member na si Nyrth Christian Degamo, ang pamangkin ng gobernador ay nagpaabot ng pasasalamat dahil sa ginawang aksiyon ng administrasyong Marcos na maresolba ang kaguluhan sa probinsiya.
“Sa ating Pangulo, salamat talaga President, nagkita tayo the other week and you gave us hope na talagang magbibigay ng hustisya yung pagkamatay sa aking uncle and eight others along with him. I hope that this issue, this case will be closed soon and we can be more progressive in our work in the province and also the people of Negros Oriental will not live in fear anymore,” ayon naman kay Hon. Nyrth Christian Degamo, Board Member, Negros Oriental.
Samantala, nakatakdang iuwi sa kanilang bahay sa Barangay Bonawon ang mga labi ni Gov. Degamo ngayong alas dos ng hapon at sa araw naman ng Huwebes ay nakatakdang ilibing sa pribadong sementeryo ng mga Degamo.
