Taumbayan, magagalit kung pilit na i-disqualify si BBM sa 2022 elections  —Defensor

Taumbayan, magagalit kung pilit na i-disqualify si BBM sa 2022 elections —Defensor

NAGBABALA si Anakalusugan Representative Mike Defensor sa mga taong pinipilit ang disqualification move laban kay presidential aspirant Ferdinand Bongbong Marcos Jr. (BBM) para sa 2022 elections.

Ito’y matapos nahaharap si Marcos sa limang petisyon sa Commission on Election (COMELEC) para pigilan ang kanyang pagtakbong pangulo sa 2020 general elections.

Pero ayon kay Defensor, huwag sanang pigilan ang pagtakbong pangulo ni BBM sa 2022 pati na ang iba pang pangalan na nanghahangad na makatakbo sa eleksyon.

“Pagka it’oy tinulak nila at kahit manalo na si Bongbong Marcos sa Supreme Court pero doon pa lamang sa balota matanggal nila ang pangalan ni Bongbong Marcos at hindi na siya makasama sa pwedeng iboto. Napakasama po niyan, magagalit po ang taumbayan diyan. Magwawala ang taumbayan diyan,” pahayag ni Defensor.

Kabilang sa mga petisyon ay tatlo para sa kanselasyon ng kanyang Certificate of Candidacy, isa para sa ideklara siyang nuisance candidate at isa naman para sa kanyang disqualification.

“Dapat irespeto at kilalanin natin ang proseso ng halalan at pabayaan natin ang lahat ng kandidato, kasama si General Parlade dapat hindi ma-disqualify pabayaan natin sila iharap ang kanilang sarili, iharap ang kanilang kandidatura at huwag ho nating payagan na sa panahon ngayon,” ayon pa kay Defensor.

Sa ngayon ay wala pang pasya ang COMELEC hinggil sa mga nakabinbing petisyon laban kay Marcos.

Ngayong araw naman magtatapos ang deadline na ipinagkaloob ng COMELEC sa kampo ni BBM para makapaghain ng sagot laban sa mga petisyon.

Panawagan naman ni Defensor, sana ay bigyan ng patas na laban ang mga nagnanais tumakbo sa eleksyon.

“Iyan po muli sa aking pananaw ay hindi tama at hindi dapat. Pabayaan natin na ang taumbayan ang mamili at magpasya kung sino ang magiging lider nila sa darating na panahon,” dagdag ni Defensor.

SMNI NEWS