MATIPID pa rin sa pagsagot si Department of Tourism (DOT) Secretary Christina Garcia-Frasco sa isyu ng “Love the Philippines” campaign.
Tuloy ang trabaho ng DOT sa mandato nito na paunlarin ang turismo ng Pilipinas sa gitna ng mga kontrobersiya na kinakaharap ng ahensiya.
Dumalo si Sec. Christina Garcia-Frasco sa launching ng ‘Hop on, Hop off’ tourist bus program sa lungsod ng Maynila nitong Huwebes ng umaga.
Muling nagpaunlak si Frasco ng interview ngunit matipid pa rin ang kalihim sa pagsagot sa mga isyung bumabalot sa kontrobersiyal na “Love the Philippines” tourism campaign na nagkakahalaga ng P49-M.
“The circumstances of late has led the Department of Tourism to initiate termination proceedings on its contracted ad agency. I would just like to emphasize that not a single peso of government funds has been paid under the tourism branding campaign with the said agency. Thank you so much for your support. Salamat kaayo. Love the Philippines,” ayon kay Sec. Christina Garcia Frasco, DOT.
Atty. Salvador Panelo, hinimok ang DOT na magdemanda
Hati ang opinyon ng publiko sa naging aksiyon ng DOT hinggil sa kontrobersiyal na “Love the Philippines” tourism campaign.
Si dating Presidential Legal Counsel Atty. Salvador Panelo, pinuri si Frasco sa kaniyang desisyon pero dapat aniya hindi lamang hanggang termination of contract.
“Pinapurihan ko itong si Secretary Christina Garcia-Frasco for her swift and decisive action doon sa pagterminate niya ng kontrata. Hindi lang termination. Demanda niyo na,” ayon kay Atty. Salvador Panelo.
Pagterminate ng DOT sa kontrata nito sa ad agency, hindi sapat—Sass Rogando Sasot
Para naman kay International Relations Expert na si Sass Rogando Sasot hindi sapat na kanselahin lamang ng DOT ang kontrata matapos na niloko ang Pilipinas.
“Pero I don’t think sapat naman iyang kinansela ang kontrata. Niloko mo ‘yung Pilipinas, cancel mo lang ‘yung kontrata. Ano ba? Blacklist maybe in the government. Hindi sila makakuha ng kontrata sa government. That’s just one step. Pero kailangan munang klaruhin, sinong may kasalanan? O inako lang ba ng DDB na sila ang may kasalanan. Pero ano lang ba ‘yung kontra na icacancel? I think all of their contracts in government should be canceled,” ayon kay Sass Rogando Sasot.
Turismo sa Maynila, hindi maapektuhan kasunod ng kontrobersiyal na “Love the Philippines” campaign—Mayor Honey Lacuña
Si Manila Mayor Honey Lacuña, suportado niya ang ideyang dapat mahalin ng lahat ang Pilipinas at hindi na dapat palitan ang slogan.
Naniniwala naman si Lacuña na sa kabila ng kontrobersiya, hindi maapektuhan ang bilang ng turista sa lungsod.
“Hindi naman po siguro. Nasa tao po iyan eh. It’s how you appreciate,” ayon kay Mayor Honey Lacuña, Manila City.
‘Hop on, hop off’ tourist buses, inilunsad sa Maynila
Umaasa ang alkalde na sa pamamagitan ng ‘Hop on, Hop off’ tourist buses, maeengganyo ang mga turistang bibisita sa Maynila.
Proyekto ito ng DOT para sa mas madali at hassle-free na pamamasyal ng mga turista.
Unang inilunsad ang nasabing proyekto sa Makati City.
Sa halagang P1,000, maaaring mapuntahan ng mga turista ang mga tourist spot sa Maynila na walang kahassle-hassle kabilang ang Malacañang Heritage Museum, National Museum of Fine Arts, Rizal Park Monument, Binondo China Town, at Intramuros.
Ilulunsad din ang ‘Hop on, Hop off’ tourist bus project sa iba pang lungsod sa Metro Manila.
