Transport Sec. Bautista naghain ng cyberlibel complaints vs Manibela chairperson, dating journalist

Transport Sec. Bautista naghain ng cyberlibel complaints vs Manibela chairperson, dating journalist

HINDI na pinalusot pa ni Transport Secretary Jaime Bautista ang mga umano’y paninira at akusasyon ng korapsiyon sa kaniya ni Manibela chairman Mar Valbuena.

Akusasyon ni Valbuena, dawit umano ang kalihim sa isyu ng katiwalaan sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) kung saan tumatanggap umano ito ng lagay.

Martes ng umaga, personal nang tumungo sa DOJ si Bautista para sampahan ng cyberlibel complaint si Valbuena.

Kasama rin sa sinampahan nito ng reklamo ay ang dating journalist na si Ira Panganiban dahil sa umano’y mapanirang post nito sa FB account kung saan sa komento nito, napupunta umano kay Bautista ang nakukurakot ni suspended LTFRB chair Teofilo Guadiz III.

Giit ni Bautista, hindi niya hahayaan ng mga ito ang inalagaan niyang pangalan.

Nang mahingan naman ng pahayag si Valbuena, tinawag nitong harassment at pang-aabuso sa kapangyarihan at awtoridad ang paghahain ng reklamo ni Bautista.

“Purely harassment and abuse of power and authority,” ayon kay Mar Valbuena Chairman, Manibela.

Handa rin umano humarap sa DOJ si Valbuena sakaling ipatatawag siya para sa isang preliminary investigation.

‘‘Yes, of course mag-a-attend ako (sa hearing). Mag a-attend po ako at wala pong dahilan para tumigil hangga’t di lumalabas ang katotohanan,’’ saad pa ni Valbuena.

Bago ito, meron din naunang Facebook video si Valbuena kung saan sinabi nitong hindi aniya siya natatakot kay Bautista kahit magkaharap-harap sila sa korte.

Samantala, burado naman na ngayon ang sinasabing mapanirang FB post ni Panganiban.

Sa isang viber message ay sinabi ni Panganiban na wala aniya itong alam sa nangyayari at inirereport o ibinabalita lang naman aniya nito ang isyu sa LTFRB gaya ng ginagawa ng iba.

Ayon kay Bautista, mayroong internal investigation na ginagawa ang Department of Transportation (DOTr) sa napaulat na korapsiyon sa LTFRB.

Kasama umano sa imbestigasyon nila ay si Guadiz at ang whistleblower na si Jefferson Tumbado.

Maliban naman sa internal investigation ng ahensiya ay maalalang nagpatulong na rin si Bautista sa National Bureau of Investigation (NBI) para magkaroon ng masusi at kumpletong imbestigasyon ang isyu ng korapsiyon sa LTFRB.

Follow SMNI NEWS on Twitter