MATAPOS ang mahigit tatlong taon sa lalawigan ng Sulu, ni-redeploy ang 5th Scout Ranger Battalion (SRB) mula Joint Task Force Sulu patungong Joint Task Force Basilan.
Ayon kay AFP Western Mindanao Command (WestMinCom) spokesperson Lieutenant Colonel Abdurasad Sirajan, ang paglipat ng 5th SRB sa Basilan ay bilang kapalit ng 68th Infantry Battalion na ipinadala sa Mindoro noong Enero ng taong ito.
Bago nito, isang send-off ceremony ang ibinigay sa 5th SRB ni Joint Task Force Sulu Commander Major General Ignatius Patrimonio sa Talipao, Sulu.
Dito ay pinasalamatan ni Patrimonio ang kontribusyon ng 5th SRB sa mahahalagang misyon ng Task Force sa Sulu.
Hinihimok naman ni AFP WestMinCom acting commander Brigadier General Arturo Rojas ang 5th SRB na maging mahusay na miyembro ng Joint Task Force Basilan at panatilihin ang pinakamataas na pamantayan ng pagseserbisyo sa militar.