PAKIALAMERO! ganito isinalarawan ng grupong Yakap ng Magulang ang UN Special Rapporteur na kinilalang si Ian Fry dahil sa tila pangdidikta nito sa gobyerno ng Pilipinas sa paraan ng pagsugpo sa usapin ng insurhensiya sa bansa.
Sa kaniyang pahayag, sinabi ni Yakap ng Magulang President Relissa Lucena kay Fry na mas pagtuunan ng pansin ang mga bansa nahaharap sa mga kaguluhan at karahasan kaysa panghimasukan ang Pilipinas.
Giit ni Lucena, tila walang alam ang dayuhan sa mga pinagsasabi nito laban sa gobyerno at nakikinig lamang sa mga bias na pahayag ng mga grupo na kontra din sa nasabing task force.
Ayon pa sa grupo, baka hindi alam ng dayuhang ito na malaki na ang naitulong ng NTF-ELCAC hindi lang sa hustisya para sa mga nawalan ng mga anak, pamilya at mahal sa buhay dahil sa pagsampa sa mga bundok kundi ang maitaguyod ang kapayapaan at seguridad ng bawat Pilipino sa mga paaralan at mga komunidad.
Bunga aniya nito ang libu-libong indibidwal na sumuko at nagbalik loob sa pamahalaan na ngayo’y kasama na ng kanilang mga mahal sa buhay.
National Security Council, dismayado sa pamumuna ni UN Rapporteur Ian Fry sa NTF-ELCAC
Sa kabilang banda, kinondena rin ng pamahalaan ang hakbang na ito ni Fry, gayong hindi man lang ito nakipag-ugnayan sa tamang ahensiya bago nito punahin ang naturang anti-insurgency program ng gobyerno.
Ipinagtataka pa ng pamahalaan na kung kailan patapos na anila ang problema ng insurhensiya sa Pilipinas, saka naman nagpapagamit anila ang nasabing dayuhan para panigan ang mga kritiko ng pamahalaan.