BINANATAN ng Malakanyang si Vice President Leni Robredo matapos nitong kuwestyunin ang pagkakapaso ng Bayanihan 2 na may mahigit P18-B na sobrang pondo.
Kinumpirma ni Presidential Spokesman Harry Roque na lahat ng perang hindi nagastos sa ilalim ng Bayanihan 2 ay na-irelease na sa mga ahensya ng pamahalaan makaraan ang halos isang linggo matapos mapaso ang bisa ng batas.
Batay sa tala, mahigit sa P18 bilyong pondo ang hindi nagastos sa Bayanihan 2.
“Well, unang-una po ‘no, lahat po ng pondo ng Bayanihan 2 according to Secretary Wendel Avisado, nailabas po sa mga line agencies,” pahayag ni Roque.
Dagdag ni Roque, may hanggang Hulyo 15 pa ang Department of Budget and Management (DBM) para kumpirmahin ang budget utilization sa nasabing batas.
“So as of now po, I am not able to confirm kung mayroon ngang hindi nagastos dahil the line agencies are given until July 15 to report back to DBM,” ani Roque.
Sa pahayag ni Robredo, nasasayangan ito sa nasabing sobrang pondo na sana ay nakatulong sa mga health worker at iba pang mga grupong nangangailangan.
“So we will be able to confirm kung magkano po iyong magri-revert sa National Treasury but only on July 15th and I ask the Vice President who is an economist, please let’s wait for data before we make conclusions,” ayon sa tugon ni Roque kay Robredo.
Nauna nang nanawagan si Albay Rep. Joey Salceda ng special session para muling mapalawig ang validity ng nasabing batas hanggang sa katapusan ng taon.
Matatandaang Hunyo 30 nang mag-expire ang Bayanihan 2.
BASAHIN: Sen. Pangilinan, iimbestigahan ang nangyayaring underspending sa Bayanihan 2
