Batas para sa libreng libing, tinutulak ni Sen. Tulfo

Batas para sa libreng libing, tinutulak ni Sen. Tulfo

IMINUNGKAHI ni Senator Idol Raffy Tulfo ang panukalang batas na naglalayong magbigay ng libreng libing para sa mga mahihirap na pamilyang Pilipino sa buong bansa.

Inihain ni Tulfo ang Senate Bill (SB) No. 1695 na nag-iinstitutionalize ng probisyon ng burial assistance na nagbibigay ng libreng serbisyo sa libing upang matiyak na hindi mahihirapan ang mga pamilyang naiwan.

“In the Philippines, funeral and burial services can range from 10,000 to hundreds of thousands of pesos. As such, many poor families are not only wracked with grief but also deep financial stress that may even lead them to borrow funds from lenders with high-interest rates,” nakalagay sa explanatory note ng panukalang batas.

Ang libing ay mahalagang seremonya na nagbibigay-daan sa mga pamilya na magluksa sa pagkawala ng kanilang mga namayapang mahal sa buhay, ngunit sinabi ni Tulfo na ang kamatayan, para sa maraming mahihirap na pamilya, ay nagiging daan para sila ay mangutang para matustusan ang libing ng kapamilya.

Sa ilalim ng SB No. 1695, kasama sa benepisyo ang paghahanda ng mga dokumento ng libing, pag-embalsamo, paglilibing, o cremation.

Ang mga akreditadong punerarya ay dapat magbigay ng kabaong o urn. Ang halaga nito ay pwede nilang ireumburse sa regional office ng DSWD.

Ang mga makikinabang sa panukalang batas ay ang mga pamilya na ang pinagsamang kabuuang kita ay hindi lalampas sa Php 15,000 bawat buwan, at walang sariling ari-arian, o sasakyan.

Follow SMNI NEWS in Twitter