NORMAL pa rin ang biyahe ng pampublikong transportasyon sa unang araw ng ikinasang tigil-pasada ng ilang public transport group ayon kay Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) acting Chairman Atty. Romando Artes sa panayam ng SMNI News.
Regular din aniyang bilang ng pasahero ang na-monitor kaninang umaga.
Gayunpaman ay tiniyak pa rin ng MMDA maging ang ibang ahensiya ng pamahalaan na mag-dispatch ng libreng sakay hanggang mamayang hapon o sa oras ng uwian.
Sinabi rin ni Artes na mahigpit ang ginagawang koordinasyon ng MMDA sa mga bumibiyaheng transport group upang hindi sila maagawan ng pasahero.
Samantala, nagbabala naman si Artes sa mga nagra-rally na huwag idaan sa karahasan ang kanilang protesta at hindi rin dapat makaperwisyo sa trapiko at sa publiko ang pagpapahayag ng kanilang hinaing.
