Cong. Arnie Teves, itinurong nag-utos sa pagpatay kay Degamo

Cong. Arnie Teves, itinurong nag-utos sa pagpatay kay Degamo

LAHAT na ng posibleng dawit sa pamamaslang kay Negros Oriental Governor Roel Degamo iniimbestigahan na ng National Bureau of Investigation (NBI).

Kasama na rito ay si Negros Oriental 3rd District Representative Arnie Teves na una nang lumulutang na utak sa pamamaslang.

Kung pagbabatayan ang naging panayam naman sa isa sa mga suspek na si Benjie Rodriguez na ngayon ay hawak ng NBI, kay Teves raw nanggaling ang utos para patayin si Degamo.

Ayon kay Department of Justice (DOJ) Sec. Jesus Crispin ‘Boying’ Remulla, iimbestigahan na rin ang mga nakaraang serye ng pagpatay sa Negros Oriental.

Saad ni Remulla, may pattern ng impunity na nagaganap sa lalawigan.

Matatandaan na kamakailan ay naghain ng reklamong murder ang PNP CIDG sa DOJ laban kay Teves dahil sa mga serye ng pamamaslang sa Negros Oriental noong taong 2019.

Kaugnay nito, pinatawag ng Malacañang ang DOJ, NBI, PNP, AFP at DILG para bumuo ng grupo na tututok sa kaso.

Ang imbestigasyon ay pamumunuan ni Department of Interior and Local Government (DILG) Sec. Benhur Abalos, Jr.

Napag-alaman na si Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. kasama sila Remulla at Abalos ay pumunta sa lamay ni Degamo kagabi.

Ayon sa kalihim, hiling ng mga taga-roon ay maibalik ang katiwasayan sa kanilang lugar at isa ito sa tututukan nila ngayon.