DAPAT ituloy ng Commission on Elections (COMELEC) at huwag ipagpaliban ang Barangay at Sangguniang Kabataan Election sa Negros Oriental, kasabay ng pagdaraos nito sa buong bansa sa October 30.
Ipinaliwanag ni Justice Secretary Crispin Remulla na hindi maituturing na problema sa eleksiyon ang nangyaring pagpatay kay Governor Roel Degamo dahil umuusad na ang pagsasampa ng kaso sa mga itinuturing na sangkot sa krimen partikular na kay Congressman Arnolfo Teves, Jr.
Nauna nang humirit ang ilang senador sa COMELEC na ipagpaliban ang halalan sa Negros Oriental dahil sa naunang nangyari at kasalukuyang sitwasyon doon.
Iginiit naman ng DOJ na mas mainam na matuloy ang halalan doon at hayaan ang mga taga-Negros kung dapat pa ba o hindi na dapat manatili sa puwesto ang kasalukuyang mga opisyal ng barangay sa kanilang lalawigan.