ILANG kilalang political figure ang posibleng hindi makadadalo sa 2nd State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. ngayong araw.
Kabilang dito ang kaniyang nanay na si dating First Lady Imelda Marcos.
Sa isang ambush interview sa Senado ay sinabi ng kapatid ng Pangulo na si Senator Imee Marcos na posibleng hindi makadalo sa SONA ang kanilang nanay dahil sa kaniyang kalusugan.
“Gustong pumunta pero pinagbabawalan ng doctor kasi maraming tao,” ayon kay Sen. Imee Marcos.
Bukod sa dating First Lady ay posible ring hindi makadalo sa SONA mamaya si dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
Ang dating pangulo ay kararating lamang mula sa bansang China kung saan nakipagtagpo ito kay dating Chinese President Xi Jinping.
Ayon kay Sen. Bong Go, na kilalang malapit sa dating Pangulo, ay nasa Davao si Duterte.
“Hindi ata, hindi ko po alam. Galing siya sa China so medyo pagod,” saad ni Sen. Bong Go.
Sen. Pia Cayetano nasa New Zealand; absent sa SONA
Samantala, kumpirmado naman na absent sa SONA ni Pangulong Marcos si Sen. Pia Cayetano.
Si Sen. Pia ay ang tanging absent kanina sa pagbubukas ng unang session ng 2nd regular session sa Senado.
Ayon sa kaniyang opisina, si Sen. Pia ay sinamahan ang Philippine National Women’s football team na kasalukuyang lumalaban sa FIFA Women’s World Cup na gaganapin sa New Zeland at Australia.