NAKABALIK na ng bansa si Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. matapos ang kaniyang 5-day official visit sa US at pagdalo sa koronasyon nina King Charles III at Queen Camilla sa UK.
Kaisa si Pangulong Marcos ng iba’t ibang mga bansa na bumabati sa masayang okasyon ng koronasyon nina King Charles III at Queen Camilla noong Mayo 6, 2023.
Sinabi ni Pangulong Marcos na isang malaking karangalan para sa kaniya na kumatawan sa Pilipinas sa isang makasaysayang okasyon sa Westminster Abbey sa London.
Base ito sa inilabas na statement ng Malacañang.
Ang koronasyon nina King Charles III at Queen Camilla sa UK ay kasing engrande at kahanga-hangang seremonya na puno ng simbolismo at binibigyang-bigat ng kasaysayan.
Hangad naman ni Pangulong Marcos na ang naturang koronasyon ay magpapahiwatig ng pagsisimula ng isang bagong kabanata ng kapayapaan, pag-unlad, at kaunlaran para sa United Kingdom at Commonwealth.
Isang araw bago ang koronasyon, sinabi ni Pangulong Marcos na nakausap nito si King Charles III sa reception at personal na ipinaabot ang pagbati ng lahat ng Pilipino.
Ibinahagi naman ni Pangulong Marcos na nagtanong si King Charles patungkol sa kaniyang kaibigan, ang ina ng Pangulo na si dating First Lady Imelda Marcos.
Ikinuwento aniya ni King Charles ang masasayang alaala ng mga panahong magkasama sila ng former First Lady.
PBBM, nakipagpulong sa Global Infrastructure Partners sa UK
Bago nito, nakipagpulong si Pangulong Marcos sa Global Infrastructure Partners (GIP), sa pangunguna ni Chairman Bayo Ogunlesi, upang tuklasin ang mga oportunidad para sa pag-upgrade ng sektor ng imprastraktura sa Pilipinas.
Sinabi ni Pangulong Marcos na nagkaroon sila ng produktibong pagpupulong sa GIP, ang kompanya sa likod ng bukod-tanging imprastraktura, teknolohiya, at operasyon ng Gatwick Airport.
Mababatid na lumapag ang sinakyang eroplano ni Pangulong Marcos sa Gatwick Airport sa UK kung saan nagkaroon ito ng comprehensive tour sa naturang paliparan, na kilalang ikalawang ‘busiest airport’ ayon sa kabuoang passenger traffic sa UK.
Inalam ng Chief Executive ang ‘best practices’ ng mga operasyon sa paliparan ng London at nakita ang mga bagong pagsulong sa teknolohiya sa North Terminal.
Ibinahagi ng Pangulo na nakakalap sila ng mahahalagang insight para mapabuti ang mga paliparan ng Pilipinas at mapalakas ang turismo sa bansa.
Binigyang-diin ni Pangulong Marcos ang pananaw ng kaniyang administrasyon para sa ligtas, episyente, at sustainable airports sa Pilipinas, na aniya, isang hakbang na palapit sa katotohanan.
Ipinahayag naman ng GIP ang kanilang pangako sa pamumuhunan sa mga prayoridad ng Marcos administration na kinabibilangan ng pagpabubuti ng transportation system efficiency, pagpatataas ng renewable energy production, at pagsusulong ng digital transformation.
Sa kaniya namang 5-day official visit sa Estados Unidos, halagang 1.3 Billion US dollars na investment pledges at 6,700 na trabaho ang inani ng Pilipinas mula sa official visit ni Pangulong Marcos sa Washington D.C.
Ang mga pamumuhunan na ito ay mula sa iba’t ibang kompanya sa US sa mga sektor ng manufacturing, information technology, renewable energy, healthcare, at research and development.