ALAS 8:00 ng ugma nagsimula ang virtual opening ng Brigada Eskwela sa Rizal High School, isa sa pinakamalaking paaralan sa lungsod ng Pasig.
Napagdesisyunan ng tanggapan na gawing virtual na lamang ang aktibidad dahil sa tuloy-tuloy na buhos ng ulan ayon kay Ginoong Gilbert Inocencio, punong guro ng Rizal High School.
Ito ay may temang “Tugon sa Hamon ng Ligtas na Balik-Aral”, kung saan kasabay ng Brigada Eskwela ay orientation sa mga enrollee.
Ayon kay Inocencio, isa sa kanilang tinututukan ay ang kaligtasan at wellness ng mga mag-aaral at maging ang mga magulang.
Sa kabila niyan, inaasahan nilang madadagdagan ng 2 porsiyento ang bilang ng mga mag-aaral na lalahok sa face-to- face para sa School Year 2022-2023.
“Based on our learning continuity and recovery plan so those are the two things that we’re gonna be making this school year. We are anticipating around 12,400 students that’s 2 percent increase from the previous enrollment,” pahayag ni Inocencio.
Mas mataas ito kung ikukumpara sa nagdaang school year na nasa 12,000 hanggang 12,100 mag-aaral lamang.
At kumpyansa ang principal ng paaralan na maraming mag-aaral partikular na sa Grade 7 at Grade 11 ang mag-eenroll.
Sa pinakahuling datos, nasa 11,000 mag-aaral ang kasalukuyang enrolled ngayon sa Rizal High School para sa pagbubukas ng pasukan sa Agosto 22.
Sa buong linggo ng Brigada Eskwela, kabilang sa mga aktibidad na maaaring asahan ng mga estudyante ay ang Project Hybrid Class, RHS Sulong Edukbrigada, Project Eye Can Connect para sa mga mag-aaral at guro kung saan makatatanggap din ang mga ito ng libreng eye glasses mula sa kanilang mga stakeholders, Enhanced PBB-Mug, Finding Gap o pagtatanim ng gulay, Magulang Katuwang sa Pagbasa Program, BTS o Back to School-Linis Program at iba pa.
Magiging katuwang ng Rizal High School sa kanilang mga aktibidad ay ang lokal na pamahalaan ng Pasig, Community Groups, Homeowners Association at iba pang stakeholders.