Incoming Davao Mayor Sebastian Duterte kay VP-elect Sara: Take care of yourself

Incoming Davao Mayor Sebastian Duterte kay VP-elect Sara: Take care of yourself

 MAY hiling ang nakababatang kapatid ni Vice President-elect Sara Duterte na si incoming Davao City Mayor Sebastian ‘Baste’ Duterte sa kanya.

Ito ay ang alagaan ang sarili sa kabila ng pagiging busy sa trabaho bilang ikalawang pangulo at kalihim ng Department of Education (DepEd).

Sa isang panayam matapos ang inagurasyon at turnover ceremony ng Bago Aplaya Esplanade Phase 2 sa Davao City Coastal Road, sinabi ni Baste na kilalang workaholic ang Vice President-elect na kalimitan ay nakakalimutan na nito ang kanyang sarili.

“She’s very—she’s known to be very hard worker man gud, so malimtan niya ang iyang kaugalingon usahay ang akuang request lang siguro or wish lang sa iyaha is to take care of herself. [So nakakalimutan niya ang kanyang sarili minsan, kaya ang request ko lang siguro o hangad ko lang sa kanya is to take care of herself.],” pahayag ni Baste.

Dagdag pa ni Baste na kahit pa umano subsob sa trabaho si VP-elect Sara ay sana siguruhin o hindi rin nito kalimutan ang kanyang sariling kaligayahan, at maglaan din ng oras para sa kanyang sarili at sa kanyang pamilya at hindi puro trabaho lamang.

Matatandaan na sa pamumuno ni Sara Duterte bilang alkalde ng siyudad ay hands-on ito sa lahat ng kanyang mga tungkulin, gaano man ito kaliit o kalaki—at makikita naman ito sa resulta.

Makikita kung gaano ang pag-usbong at pag-unlad ng Davao City, kung saan nasa 118 awards at recognitions ang natanggap nito.

Maliban dito, bumaba sa katungkulan si dating Mayor Sara Duterte na walang utang ang lungsod.

Ibinahagi rin ni incoming Davao City Mayor Baste na gaganapin ang oath taking ceremony nito ngayong Hunyo 27 sa lungsod na dadaluhan ng lahat ng mga kapartido nito sa Hugpong sa Tawong Lungsod at Hugpong ng Pagbabago Party.

Follow SMNI News on Twitter