INALMAHAN ng Japan ang paglulunsad ng China ng weather satellite nito dahil sa pangamba ng pagbagsak ng debris mula sa rocket sa baybayin ng Japan.
Ito ang inihayag ni Foreign Minister Yoshimasa Hayashi sa isang sesyon ng House of Representatives kung saan humihingi ang Japan ng paliwanag mula sa China ukol sa pangyayari.
Hindi naman rumesponde ang Beijing sa hiling ng Tokyo at wala ring ulat na mayroong pinsala mula sa rocket debris.
Ang China ay nag-set ng no-fly at no sail zone sa East China Sea bago ang satellite launch nito dahil sa posibilidad ng paghulog ng debris rito.
Ang bahaging ito ng pinaglunsaran ay matatagpuan sa hilaga ng Taiwan malapit sa Senkaku Islands, ang Japanese controlled islets na ayon sa China ay kanila na tinatawag naman nitong Diaoyu.
Samantala, inihayag naman ni Chief Cabinet Secretary Hirokazu Matsuno na hiniling din nito sa China na siguruhin ang kaligtasan ng mga Japanese vessel na nag-ooperate malapit sa lugar.
Ang weather satellite ay inilunsad sa gitna ng matinding tensiyon sa pagitan ng Estados Unidos at China dahil sa Taiwan.
