Nagpakitang-gilas si Daniss Jenkins ng Detroit Pistons matapos magtala ng career-high na 30 points upang putulin ang nine-game winning streak ng Los Angeles Lakers, 113-110.
Dumipensa ang Lakers mula sa 16-point deficit sa ikalawang kalahati, at nagbigay si Austin Reaves ng pansamantalang 110-109 na kalamangan. Ngunit umarangkada si Jenkins sa huling sandali at itinipa ang apat na puntos para maselyuhan ang panalo ng Pistons.
Nagtapos si Luka Dončić na may 32 points, ngunit sumablay ang kanyang huling three-point attempt na sana’y magdadala sa laro sa overtime. Sa kawalan ni Cade Cunningham, si Jenkins ang nanguna sa Pistons, habang nag-ambag si Jalen Duren ng 20 points at 11 rebounds, at si Duncan Robinson ay may 12 points.
Dahil sa panalo, umangat ang record ng Pistons sa 52-19 at lumaki ang kanilang liderato sa Eastern Conference. Samantala, bumagsak ang Lakers sa 46-26 at nananatili sa third seed sa Western Conference.
Samantala, naitala ng Oklahoma City Thunder ang kanilang ika-12 sunod na panalo matapos talunin ang Philadelphia 76ers, 123-103. Pinangunahan ni Shai Gilgeous-Alexander ang koponan na may 22 points, habang anim na manlalaro ang nagtala ng double digits.
Sa isa pang laro, tinalo ng San Antonio Spurs ang Miami Heat, 136-111, sa pangunguna ni Victor Wembanyama na may 26 points. Nagdagdag sina Dylan Harper at Keldon Johnson ng tig-21 points bawat isa.
