Konsolidasyon ng mga kooperatiba at asosasyon ng mga local farmers para sa PH agri dev’t, ipinanawagan ni PBBM

Konsolidasyon ng mga kooperatiba at asosasyon ng mga local farmers para sa PH agri dev’t, ipinanawagan ni PBBM

NANAWAGAN si Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. sa cooperative movement ng bansa na simulan ang proseso ng pagsasama-sama sa mga local farmers cooperatives associations (FCAs).

Ito ay bilang pagkilala sa mahalagang papel ng mga kooperatiba sa pagpauunlad ng agrikultura.

Sa kaniyang talumpati sa pagdiriwang ng National Cooperative Day nitong Lunes sa Malacañang, hiniling ni Pangulong Marcos na simulan na ang pagco-consolidate sa mga farmers’ association at cooperatives.

“Cooperative movement is very closely related to agriculture because for the simple reason that we need to consolidate our farmers. The farmers— maliliit lang sila, they’re one. ‘Pag isa lang ‘yan, walang nakikinig diyan. Pero ‘pag marami-rami na ‘yan, kahit na ‘yung congressman ninyo, ‘yung governor ninyo, ‘yung mayor ninyo makikinig na sa inyo dahil marami na ang cooperative— the cooperative has some influence,” saad ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr.

Layon ng hakbang na maisaayos ang proseso at mapaganda ang produksiyon sa mga lupang sakahan.

Ani Pangulong Marcos, malaking bagay ang mga ito sa pag-abot ng food security at magandang kita para sa mga manggagawa sa agrikultura.

Noong 2022, mayroong 20,105 na kooperatiba sa bansa, humigit-kumulang 1.8 porsiyentong mas mababa ito kaysa sa 20,467 na kooperatiba na nakarehistro noong 2021.

Batay sa tala ng gobyerno noong 2022, mahigit kalahati ng kabuuang mga kooperatiba ay kinabibilangan ng credit at financial services, na sinundan ng agriculture, consumers, at marketing cooperatives.

Noong nakaraang taon, ang industriya ay nakabuo ng halos 335,000 trabaho.

Buong suporta ng gobyerno para sa Cooperative Development Authority, tiniyak

Samantala, tiniyak ni Pangulong Marcos ang buong suporta ng gobyerno para sa Cooperative Development Authority (CDA).

Nagbigay ng katiyakan si Pangulong Marcos na laging handa ang gobyerno na ibigay ang mga pangangailangan ng CDA.

“Nandito ang gobyerno para tiyakin na kung ano ang pangangailangan ng CDA ay mabibigay para makatulong naman dahil malaki ang hinihingi namin sa inyo, malaking trabaho ito. [applause] Hindi maliit na trabaho ito,” dagdag ni Pangulong Marcos.

Binigyang-diin ni Pangulong Marcos na ang matatag na kooperatiba ay susi sa pagpapabuti ng agrikultura ng bansa at pagtiyak ng seguridad sa pagkain.

Sa pamamagitan ng mga kooperatiba, sinabi pa ni Pangulong Marcos na makakamit ng bansa ang economies of scale, lalo na sa paggamit ng malalaking makinarya ng sakahan para sa produksiyon at pagproseso, na sa huli ay magpapababa ng presyo ng pagkain.

Ang pagdiriwang ay tinawag na, ‘Cooperatives: Pioneering the Path to Recovery Amidst Modern Challenges of Climate Change and Food Security.’

Itinampok ng naturang event ang mahalagang papel ng mga kooperatiba sa pagtugon sa mga kasalukuyang hamon sa mundo.

Kabilang dito ang pagtataguyod ng sustainable agriculture, pagbuo ng katatagan laban sa mga epekto ng pagbabago ng klima at pagtiyak ng seguridad sa pagkain.

Ang pagdiriwang ay alinsunod sa Republic Act (RA) No. 11502 na nilagdaan noong Disyembre 2020, na nagdedeklara sa buwan ng Oktubre ng bawat taon bilang ‘National Cooperative Month’.

Ang deklarasyon na ito ay naglalayong itampok ang mga makabuluhang kontribusyon ng buong kilusang kooperatiba sa paglago ng ekonomiya ng bansa.

Humigit-kumulang 300 ang dumalo sa event, kabilang ang mga pinuno ng kooperatiba mula sa Luzon, Visayas, at Mindanao.

Follow SMNI NEWS on Twitter