Kuwento ni PDL Catarroja sa pagtakas sa Bilibid, parang Hollywood—Sen. Tolentino

Kuwento ni PDL Catarroja sa pagtakas sa Bilibid, parang Hollywood—Sen. Tolentino

MAY pag-aalinlangan si Senator Francis Tolentino sa kuwento kung paano si Michael Catarroja sa Bilibid.

Araw ng Martes ay sumalang sa imbestigasyon sa Senado si Michael Catarroja, ang person deprived of liberty (PDL) na nakatakas sa New Bilibid Prison ngunit muling nadakip kamakailan.

Sa pagdinig na pinangunahan ni Sen. Tolentino, chairperson ng Senate Committee on Justice and Human Rights, ibinahagi ni Catarroja kung bakit at paano siya tumakas.

Ani Catarroja, nabuboryong siya kung kaya’t naisipan niyang tumakas sa Bilibid. Pinag-aralan niya ang sistema sa pagkolekta ng basura sa Bilibid at patagong sumakay sa ilalim ng garbage truck alas nuebe ng umaga sa Hulyo 7 at dito nagtagumpay sa kaniyang pagtakas.

Dagdag pa ni PDL Catarroja na bumaba siya sa C-6 Road at naglakad papuntang Antipolo City.

Pero ang kuwento ng kaniyang pagtakas ay tila pang Hollywood o hindi makatotohanan ayon kay Sen. Tolentino.

Ito ay matapos magkaroon ng re-enactment si Catarroja sa umano’y aktuwal na ginawa niya para tumakas.

Ani Tolentino, bagamat kasya si Catarroja sa ilalim ng truck ay imposible na kakayanin niya ang biyahe papuntang C-6 na nakabaluktot sa chasis ng garbage truck na sobrang init.

“May posibilidad na hindi ganun ang nangyari. May posibildad na hindi sya nandun because may kalayuan ang pinagmulan hanggang sa C-6. At papaano mo malalaman na nasa C-6 ka na eh nakabaluktot ka lang dun? Di ba? magkakamukha lang yung kalye,” saad ni Sen. Francis Tolentino, Chair, Committee on Justice and Human Rights.

Bukod pa diyan ay ipinunto rin ni Tolentino na hindi nagsaswak ang motibo ni Catarroja sa laki ng risk sa ginawa niya.

“Hindi nagja-jive ang motibo nya sa risk na ginawa nya. Ang motibo nya is bored sya, nabuboryong sya. Anlaki ng risk. Ngayon ang sabi nya, marami ang nagbabanta sa buhay nya,” dagdag ni Tolentino.

Kaugnay nito ay inaasahan na magpapatuloy pa ang imbestigasyon ng Senado kaugnay sa nakompromisong seguridad sa New Bilibid prison.

Ayon kay Tolentino, hihintayin ng komite ang comprehensive report na gagawin ng Board of Inquiry na binuo ni BuCor Chief Gregorio Catapang.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter

Follow SMNI NEWS on Rumble