NANINDIGAN ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na itutuloy na ngayong taon ang modernisasyon sa mga pampublikong Jeepney.
Wala nang makakapigil pa LTFRB na ipatupad ngayong Abril ang jeepney modernization program ng pamahalaan.
Ito ay para na rin makabawas sa pagsisikip ng trapiko sa Metro Manila.
Ang pahayag na ito ng LTFRB ay kasunod sa isinagawang pagpupulong kasama ang iba’t ibang kooperatiba na nasa ilalim ng PUV Modernization Program hinggil sa mga isyu kaugnay sa programa.
Ayon sa LTFRB, nalalapit na ring mapaso ang prangkisa ng mga tradisyunal jeepney sa Abril kung kayat hinihimok ngayon ng ahensya ang mga tsuper para sa programang modernization ng pamahalaan.
Paglilinaw ng LTFRB, hindi na kasi maaaring patagalin pa ang pagsasagawa ng PUV Modernization.
Ito ay dahil 3 beses ng nae-extend simula pa noong Hunyo ng 2020 ang programa.
Sa isang pahayag sinabi ni Riza Paches, board member ng LTFRB na wala pang napag-uusapan kung maaari bang palawigin ang naturang prangkisa.
Sa datos ng LTFRB, umabot na sa 37,000 na mga tradisyonal na jeepney sa National Capital Region lamang ang hindi pa rehistrado sa modernization program ng pamahalaan.
Habang nasa 11,000 lamang na jeep ang kasalukuyang rehistrado sa naturang programa.
Matatandaang, iba’t ibang transport group na ang umapela sa ahensya na huwag muna ito ituloy.
Maaari kasing maapektuhan ang maraming kabuhayan lalo na at sunud-sunod ang taas presyo sa produktong petrolyo at maging sa pangunahing bilihin.