NILINAW ni Land Transportation Office (LTO) chief Asec. Jay Art Tugade ang naging pahayag nito kamakailan patungkol sa paggamit ng mga temporary at improvised licensed plates.
Kasunod ito sa pinangangambahang kakapusan ng suplay sa mga susunod na buwan.
Ipinunto ni Tugade, mahigpit na ipinagbabawal ng batas ang hindi awtorisadong paggawa o pag-imprenta ng plaka ng sasakyan.
Hindi rin pinahihintulutan ng LTO ang do-it-yourself (DIY) na plaka, malinaw aniya sa batas na bawal ang sariling pag-iimprenta ng mga plaka lalo na kung hindi rin nakasusunod sa pamantayan ng ahensiya.
Kailangan aniya na nakasunod sa uri ng materyal na gagamitin, font ng mga titik, at disenyo at layout sa paggawa ng temporary licensed plate.
Sakaling mawala, manakaw o masira ang plaka ng sasakyan, maaaring gumamit ng improvised licensed plates.
Gayunman, kailangan munang kumuha ng awtorisasyon mula sa LTO ang may-ari ng sasakyan para gumamit ng pansamantalang plaka.
Sa paggamit ng improvised licensed plates, ipinapayo ng LTO na lagyan ng katagang LOST PLATE at hindi dapat na kamukha ng orihinal o opisyal na disenyo ng plaka ang gagamitin.
Matatandaan, pinapayagan ang paggamit ng temporary license plates para sa 4-wheeled car basta ito ay may conduction sticker number habang file number sa mga motorsiklo.
