INILUNSAD ng Technological Institute of the Philippines katuwang ang Department of Science and Technology ang DALA Smart Lockbox system na isang solusyon para sa mas maginhawa at maayos na pagde-deliver at pagkuha ng mga parcel.
Ang DALA Smart Lockbox ay isang sistema ng mga reception box na nagsisilbing drop-off area para sa courier service personnel at isang collection point para sa mga customer bilang alternatibo sa home delivery.
“During the pandemic na-heightened ang request na ito dahil nahirapan yung mga tao to deliver sa e-commerce. Kaya ito ay isang magandang solusyon para mas convenient doon sa mga customers at doon din sa mga delivery boy dahil madali nilang mailagay yung mga parcels at mapick-up naman ng mga customers,” pahayag ni Usec. Leah Buendia, Department of Science and Technology.
“In terms of convenience, of course, mas madali na nila itong mapick-up sa lugar kung saan sila komportable. Halimbawa mula opisina papunta sa bahay may dadaanan mo lang itong smart locker installation na ito para pick-upin on your way home. O di naman kaya in terms of delivery naman, it is at your own covenience kung kailan mo gustong kunin at tsaka anong oras ka available,” saad naman ni Dr. Enrico Paringit, Executive Director, DOST – PCIEERD.
Dahil dito hindi na rin kinakailangan pang maghintay nang matagal ng mga delivery rider bago makuha ang parcel o mag-aalala na hindi makukuha ang mga delivery.
Solusyon din anila ito para sa mga indibidwal na nais magpadeliver ngunit maingat sa pagbibigay ng kanilang personal na impormasyon tulad ng kanilang address.
Pero ang tanong gaano ba ka-safe ang ating mga padala sa DALA Smart Lockbox system?
“It is handled properly. It is secure kasi nakalagay sa isang locker na hindi mababasa. Hindi mababasag. Hindi maiipit. Hindi nakastock-up against other delivery items,” dagdag ni Paringit.
May security feature din ang DALA Smart Lockbox system kung saan mabubuksan lang ito ng delivery personnel o ng kustomer sa pamamagitan ng isang delivery code o one-time password na matatanggap via text.
“Hindi po siya basta basta mabubuksan ng kahit sino. Kung mapapansin niyo po, yung design ng DALA namin wala pong way para hawakan po siya sa labas,” wika ni Engr. Jennalyn Mindoro, Project Leader, DALA Smart Lockbox Project.
“So mag-oopen lang po iyan once na na-scan po natin yung QR code or delivery code ng ating mga parcel na dapat ideliver sa DALA,” ani Mindoro.
Sa ngayon patuloy pa ang pakikipag-ugnayan ng industry partner ng DALA sa mga e-commerce platform na nais mag-avail sa nasabing sistema.
Pinondohan ng DOST ang nasabing proyekto sa ilalim ng Collaborative Research and Development to Leverage Philippine Economy (CRADLE) program na bahagi ng Science for Change Program (S4CP).
