SA pangalawang araw ng Senate hearing kaugnay sa mga pagpatay sa Negros Oriental, diretsahang itinuro ni Pamplona Mayor Janice Degamo, ang biyuda ni Negros Oriental Governor Roel Degamo si Henry Pryde Teves at iba pang opisyal sa Negros Oriental na sina Arnie at Henry Teves, ang kinatatakutan sa lalawigan.
Kahit pa kaharap lang ni Mayor Janice si Henry Pryde Teves, hindi ito nagpatinag sa pagdiin sa mga Teves sa mga pagpatay at pang-aabuso na nangyayari sa lalawigan.
Idiniit ni Degamo si suspended Arnie Teves, Jr., Henry Pryde Teves, ang mga anak ni Arnie na sina Kurt Matthew Teves, Axl Teves, Mayor Jack Teves Raymond, at isang Tomacino Tokoy Aledo.
Lumitaw rin sa hearing si Siaton Mayor Fritz Diaz at ipinakita ang video kung saan makikita at maririnig si Teves na binabantaan si Roel Degamo.
Maliban pa diyan, alegasyon ni Mayor Diaz, hindi huminto ang e-sabong sa kanila at sa iba pang lugar sa bansa dahil kay Teves.
At ang sinuman aniya na papalag dito ay napapatay.
Ang e-sabong ang isa aniya sa pinanggagalingan ng pera ng mga Teves.
Si Henry Pryde, itinanggi namang involve siya sa e-sabong.
Aniya, handa siyang ipakita ang lahat ng laman ng kaniyang bank account para patunayan na hindi siya kumita sa e-sabong.
Ayon kay Senator Bato dela Rosa, kung pagbabatayan ang bilang ng killing incident mula taong 2018 ay lalabas na nasa 100 ang napapatay kada taon.
Ayon sa mga resource person, hindi nasosolve ang mga kaso doon dahil nababayaran ng mga Teves ang kapulisan at mga imbestigador.
Wala ring gustong tumestigo laban sa mga Teves dahil anila sa takot na sila naman ang mapatay.
Samantala, ang kampo ni Teves ay hindi na naniniwala na makakuha ng parehas na laban.
Mula anila kasi noong una ay pinagkitaan na si Teves na mapakinggan.