INAPRUBAHAN ng Senate Blue Ribbon Committee ang mosyon na ipa-subpoena si Executive Secretary Vic Rodriguez kaugnay ng imbestigasyon sa sugar importation issue.
Sa isinagawang botohan, 11 miyembro ng komite ang bumoto pabor sa subpoena, 3 ang bumotong hindi pabor at 3 ang nag-abstain.
Dahil dito, pinahaharap ng Senado si Rodriguez sa pagdinig sa Huwebes, alas-9 ng umaga sa bisa ng isang subpoena.
Ngayong umaga, pansamantalang sinuspinde ng komite ang pagdinig para bigyan-daan ang isang executive session matapos ang mosyon ni Senador Risa Hontiveros na padalhan ng subpoena ang executive secretary dahil sa hindi nito pagdalo sa pagdinig alinsunod sa utos ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr.