NTF-ELCAC, pinagkalooban ng P10.8-B pondo para sa 2022

MULA sa P4B na unang ipinagkaloob ng mga senador sa pondo ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) para sa taong 2022 ay naitaas ito sa P10.8-B.

Sa interpellation sa ilalim ng Period of Amendments, muling iginiit ni Senator Ronald Bato dela Rosa na kailangang mabago at maitaas pa ang budget ng NTF ELCAC sa 2022.

Matatandaan na mula sa 28B na proposed budget ng Task Force ay tinapyasan ito ng 24B ng Senate Committee on Finance at nagtira na lamang ng P4B.

P19-B ang inihirit ni Bato na maibigay ng Senado sa Barangay Development Program o BDP ng Task Force, kapareha ng naipagkaloob sa kanila ngayong taon.

Giit ni Dela Rosa, dating hepe ng Philippine National Police, kailangan ang malaking budgetary support mula sa Senado para sa laban ng NTF ELCAC sa insurhensya.

Nilinaw naman ni Senator Sonny Angara, ang sponsor ng budget bill na itinaas sa at least P10.8B ang budget ng Task Force mula sa P4B na unang ipinagkaloob ng komite.

Nagpasalamat naman si Dela Rosa sa ibinigay na suporta ni Angara.

Humingi din ito ng paumanhin sa mga nasabi niya noon sa mga kapwa senador pagdating sa malaking tapyas na ginawa sa pondo ng ELCAC.

Wala namang senador ang kumontra sa naging pagbabago ng budget ng ELCAC sa ilalim ng Senate version.

Napag-alaman na maliban kay Bato, ay isa din sila Senator Francis Tolentino at Senator Migz Zubiri sa mga nakiusap sa Finance Committee para mataasan ang budget ng Task Force.

Pagkatapos naman maisara ang period of amendments ay ipinasa na ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa ang proposed 2022 General Appropriations Bill na nagkakahalaga ng P5-T.

Matatandaan na sinertipikahan bilang urgent ni Pangulong Rodrigo Duterte ang panukala.

BASAHIN: PRRD, pinuri ang NTF-ELCAC sa pagtataguyod ng kaunlaran sa insurgency-cleared areas sa bansa

SMNI NEWS