MAHALAGANG unahin muna ang pagbabakuna sa mga kabataan na may edad 12 hanggang 17 bago ang pamamahagi ng COVID-19 booster shots.
Ito ang inihayag ni Dr. Edsel Salvaña, miyembro ng Technical Advisory Group ng Department of Health (DOH).
Paliwanag ni Salvaña, batid ng lahat na maaaring mahawa ang mga bata at makahahawa sa nakararami.
“Actually, important po na unahin talaga natin iyong mga kabataan natin 12 to 17 years old even before we think about boosters,” saad niya.
“Kaya ang mangyayari is, as long as ma-protect na natin iyong vulnerable population natin, makakabuti pa rin na i-vaccinate natin iyong mga bata para mas konti iyong puwedeng madapuan ng virus,” dagdag niya.
Gayunpaman, sinabi ni Salvaña na pinag-uusapan na rin ng Strategic Advisory Group of Experts (SAGE) ng World Health Organization (WHO) ang ukol sa booster shots.
“Iyong isyu po ng booster sa ngayon, pinag-uusapan po ng SAGE doon sa WHO dahil mayroon pong mga karagdagang datos na kinakalap ang ating mga scientist as to what is appropriate para sa general population, doon din sa mga immunocompromised at elderly,” aniya.
Ngayong linggo, magsisimula na ang nationwide vaccination ng mga bata na may edad 12 hanggang 17.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque kabilang ito sa resolusyon ng Inter-Agency Task Force noong October 28, 2021.
“Ito ang tinatawag na vaccination rollout for the rest of the pediatric population para maabot po natin ang vaccination rate of 80% of the target population by December 2021,” saad ni Roque.
Samantala, sa usaping hinggil sa posibilidad na mababakunahan na rin ang mga batang nasa edad 5 hanggang 11, sinabi ni Dr. Salvaña na kaka-apruba pa lang sa Estados Unidos ang pagbabakuna sa 5-11 years old para sa Pfizer vaccines.
Pero dito sa Pilipinas, kinakailangan pa rin ng Pfizer na magsumite ng aplikasyon para sa pag-amyenda ng Emergency Use Authorization (EAU) nang mapalawig ang bakunahan sa mas nakababatang age group.
“Bagama’t mga 1/3 lang iyong dose na gagamitin sa bata, so, it might actually be less burden on the vaccination supply,” sinabi ni Salvaña.
Ngayong araw, ang Taguig City ay nagsimula nang maglunsad ng vaccination rollout para sa mga menor de edad na 12 to 17 na walang comorbidities.
Tuloy-tuloy pa rin naman ayon sa lokal na pamahalaan ng lungsod ang pagbabakuna sa mga batang mayroong comorbidities na nagsimula noong October 26.
Bukod sa Taguig, nagsimula na rin ang Marikina City government ng bakunahan sa mga 12-17 years old na walang comorbidity.
Sa November 3 o sa Miyerkules, uumpisahan na rin ng iba pang lokal na pamahalaan sa Metro Manila ang pediatric vaccination.