Pagbuwag sa Special Operation Units, pinaghahandaan na ng PNP-PDEG

Pagbuwag sa Special Operation Units, pinaghahandaan na ng PNP-PDEG

PINAGHAHANDAAN na ng Philippine National Police–Drug Enforcement Group (PNP-PDEG) sakaling tuluyang buwagin ang kanilang mga Special Operation Unit (SOU) sa iba’t ibang rehiyon sa bansa.

Ang pahayag ay ginawa ng PNP-PDEG kasunod ng rekomendasyon na buwagin ang mga SOU nila matapos na maugnay ang kanilang mga unit sa kontrobersiya partikular na ang pagkakasangkot sa kalakaran ng ilegal na droga.

Tulad na lang sa halos 1 toneladang ilegal na droga na nasabat sa Maynila na umano’y may sangkot na mga pulis.

Sa panayam, sinabi PCol. Marlo Martinez, Deputy Director for Administration ng PDEG na kasalukuyang gumugulong na ang pag-aaral kaugnay sa rekomendasyong buwagin ang 17 SOU na hawak nila.

Inilahad din ni Martinez ang posibleng magiging set-up ng kanilang operasyon sakaling matuloy ang rekomendasyon.

Aminado si Martinez na hindi basta-basta ang pagpatutupad ng rekomendasyon dahil marami ang dapat makonsidera na siyang magiging saklaw ng kanilang matinding pag-aaral.

Pagbibigay-diin pa ng opisyal ang nakikita kasi ay tila hindi na nakokontrol ng pamunuan ng PDEG ang mga operasyon ng kanilang mga unit sa iba’t ibang lugar sa bansa kaya ang ilan sa kanila ay nasasangkot na sa ilegal na aktibidad.

PNP-PDEG, aminadong maapektuhan ang operasyon kung bubuwagin ang kanilang SOU

Naniniwala rin ang opisyal na malaking kawalan sa kanilang operasyon kung matutuloy ang plano pero handa silang tumalima kung ipag-uutos ito ng pamunuan ng PNP.

97 pulis PNP-PDEG, sinibak sa puwesto matapos maugnay umano sa ilegal na droga

Ayon kay Martinez, nasa 97 pulis na nila ang nasibak sa puwesto dahil sa pagkakasangkot umano sa ilegal na droga.

Sa ngayon ay balik na ang operasyon ng PDEG laban sa ilegal na droga na nakatutok sa mga high-value target.

Sa panayam kay PNP chief Police General Benjamin Acorda, Jr., seryoso ngayon ang kaniyang liderato na masugpo ang problema sa kanilang hanay gayunpaman hindi aniya ito madali, ngunit pipilitin nitong ayusin ang problema ng dahan-dahan.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter