Panukala para sa pagkaroon ng bagong guidelines sa emergency procurement isinusulong sa Senado

INIHAIN sa Senado ang isang panukalang batas na magbibigay sa pamahalaan ng seguridad sa tuwing magkakaroon ng emergency procurement.

Itinutulak ni Senator Francis Tolentino na magkaroon ng bagong guidelines para malaman at matiyak na financially capable ang mga supplier at contractor tuwing magkakaroon ng emergency procurement ang pamahalaan.

Sa ilalim ng Senate Bill no. 2433 ay aamyendahan nito ang section 53 ng Republic Act no. 9184 o ang Government Procurement Reform Act para mabago ang probisyon pagdating sa negotiation process.

Sa proposed amendment ay oobligahin muna ang mga potential supplier, contractor at bidder na makapagpresenta ng mga kailangang dokumento para mapatunayan na may kapasidad ito na maka-comply sa mga requirement ng pamahalaan.

Ang procuring government agency ay dapat namang suriing mabuti ang technical, financial at legal capacity ng mga potential supplier.

Ayon kay Tolentino ang mga ganitong panukalang probisyon ay wala sa RA no. 9184.

Dahil dito saad ng senador na ang issue sa ginawang medical procurement ng Department of Health (DOH) at Procurement Service ng Department of Budget and Management (PS-DBM) na idinidinig sa senado ay isang wake up call hinggil sa kakulangan ng kasalukuyang batas.

“The pandemic laid bare disparities in our laws, particularly those related to health care, travel, transportation, and procurement,” ani Tolentino.

SMNI NEWS