NANINIWALA si Pastor Apollo C. Quiboloy ng The Kingdom of Jesus Christ na malapit nang maubos ang mga miyembro ng teroristang grupong New People’s Army (NPA) sa bansa.
“Ang dalangin natin ay matutupad na. Mawawala na ang salot na ito ng bayan, magbabagong loob na itong mga NPA,” pahayag ni Pastor Apollo C. Quiboloy, The Kingdom of Jesus Christ.
Ito ang naging pananaw ng butihing Pastor nang tanungin sa kaniyang programang Give Us This Day nitong Agosto 2 kaugnay sa naging direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. sa Armed Forces of the Philippines na tapusin na ang mga NPA bago matapos ang taon.
“Ako’y positive talaga kasi napakarami nilang prente noon. Ilan ang prente nila? 89 guerrilla fronts noong 2016, sa pangunguna ng dating Pangulong Rodrigo Duterte, NTF-ELCAC at ang ECLIP na nalalagasan sila na hanggang ngayon, isa na lang ang [guerrilla front] nilang active,” ayon pa kay Pastor Apollo.
Isa rin sa binigyang-diin ni Pastor Apollo ay ang planong pagbibigay ng amnestiya ng Marcos administration sa mga rebeldeng nagbalik-loob.
Pastor Apollo C. Quiboloy, muling nanawagan sa mga NPA na sumuko na sa pamahalaan
Kaugnay rito, mensahe ni Pastor Apollo sa mga natitira pang miyembro ng rebeldeng kilusan, “Tanggapin na ninyo iyan. Huwag na kayong makisama sa armadong pakikibaka. Wala kayong… wala nang ka pupuntahan ang rebolusyon ninyo. Puro na lang pera-pera yan. Negosyo na lang ninyo ‘yan. Magbagong-loob na lang kayo. Huwag na kayong gumamit ng baril para mangilkil ng tao, manira, wala na ‘yun. Hindi na tatanggapin ng bayan ‘yun.”
Matatandaang kasunod ng pahayag ng Pangulong Marcos sa planong pagbibigay ng amnestiya, mariin itong tinanggihan ng mga komunistang teroristang grupong CPP-NPA-NDF.
“It’s a lost cause. Mag-surrender na kayo. May amnestiya pa kayo. Tutulungan pa kayo ng ating gobyerno. Ano pa ang gusto niyo? Kung hindi niyo pa tatanggapin ‘yan, talagang kalokohan ang gusto niyo. Kamatayan ang kahaharapin niyo kasi hahabulin kayo ng Armed Forces of the Philippines,” dagdag ni Pastor Apollo.
Ipinamulat din ni Pastor Apollo sa mga natitirang miyembro ng rebeldeng kilusan na sila’y ginagamit lang ng teroristang grupo.
“Ganyan kasinsero ang ating pamahalaan kaya mga kababayan kong nasa bundok, kung nakikinig kayo, mga lamok kasama niyo, mga linta, at pagkatapos gutom na gutom kayo. Namamatay kayo, putlang-putla kayo, may… may diabetes pa, may kidney problem pa kayo, pamilya niyo, hinahabol kayo sa bundok, pagkatapos napakarami pang dengue diyan, pero ‘yung mga lider niyo ang sarap ng buhay. ‘Yung mga anak nila, hindi pinapapunta sa bundok, doon sa magagandang unibersidad kung saan-saan. Tanungin ninyo si Ka Zarate ninyo kung saan ang anak niya. ‘Di ba ang gaganda? Itong nasa tatlo diyan, ang mga anak nila pumunta ba ng bundok? Wala. Maganda ‘yung buhay nila. Ginagamit lang nila kayo,” giit pa ni Pastor Apollo.
