BAGAMA’T bigo man na makausad sa semi- finals ng nagpapatuloy na 2023 Shakey’s Super League National Invitationals, baon naman ng JMC Volleyball Team ng Davao City ang kanilang mga natutunan at karanasan na nakuha mula sa pakikipaglaban kontra sa mga dekalibreng koponan mula sa NCC at UAAP.
Hulyo 29, araw ng Sabado nang unang sumabak ang Jose Maria College Foundation (JMCF), Lady Royals laban sa UAAP third placer na Adamson Lady Falcon sa 2023 Shakey’s Super League National Invitationals na ginanap sa Filoil EcoOil Center sa San Juan City.
Sa naturang laro, hindi pinalad ang Lady Royals matapos silang talunin ng Lady Falcon sa tatlong sets sa iskor na 25-17, 25-11, 25-17.
Aminado naman si JMC Lady Royal head coach Llewelyn Villaber na nag adjust ang kanilang koponan sa unang laro.
“So adjustment period ‘yung 1st game tsaka malakas pa ang Adamson,” ayon kay Coach Llewelyn Villaber, Head Coach, JMC Lady Royals.
Araw ng Linggo Hulyo 30, ipinakita ng JMC Lady Royals na meron silang ibubuga.
Ito’y matapos nilang talunin ang isa sa mga topnotcher na koponan sa NCAA na Lyceum of the Philippines University Lady Pirates.
Sa naturang laban, nabigo sa unang set ang JMC Lady Royals.
Agad namang nakabawi ang Lady Royals at tuluy-tuloy na ngang dinomina ang mga sumunod na set.
Sa ika-apat na set ng nasabing laro, ipinamalas ni Dianne Uriel Brion ang kaniyang galing sa palitan ng puntos na nagresulta sa kanilang unang panalo.
Hindi sukat akalain ng JMC Lady Royals na makukuha nila ang kanilang unang panalo sa koponan ng LPU Lady Pirates na 1st runner up sa NCAA at dahil dito napanatili ng JMC Lady Royals ang kanilang tyansa sa quarter finals.
Ang nasabing panalo ay pinangungunahan ni Johma Mae Palermo na gumawa ng 18 puntos mula sa 13 tira at 5 ace dahilan upang umangat ang JMCFI sa 1-1 sa Pool C.
Habang nag-ambag naman si Michaela Oliveros ng 15 puntos na may 4 blocks, samantalang nagtala rin si Brion ng 11 puntos.
Ayon kay Coach Villaberm, ipinamalas ng kaniyang mga players ang pusong palaban at ang pagkakaisa dahilan upang masungkit nila ang unang panalo.
“Second game parang will ng mga bata na hindi tayo magpapatalo. Lalaban tayo so they came up with the plan and they won,” dagdag ni Coach Villaber.
Agosto 2, araw ng Miyerkules, nakipagsabayan ang Lady Royals sa mga matatangkad na players ng reigning UAAP Champions na De La Salle University Lady Spikers.
Dinomina ng De La Salle University ang nasabing laro at tinapos ang kampanya ng JMC Lady Royals sa tatlong sets sa score na 25-18, 25-14, 25-19.
Bagama’t na talo kontra sa mas matatangkad na players ng La Salle, sinabi ni Coach Villaber na mapalad sila na nakatapat nila ang reigning UAAP Champ.
“La Salle Team is the strongest team when it comes to the collegiate level they hold the UAAP and the top league in the county is UAAP and they really good very fortunate for us to play with them and we fought, hindi kami iniwan, lumaban kami despite of the weaknesses that we had,” ani Coach Llewelyn Villaber.
Marami namang natutunan ang mga players ng Lady Royals sa kanilang naging karanasan sa pakikipaglaban sa mga top teams sa national level.
“Iba ang mga players dito matataas sila, matatangkad unlike sa amin doon like kahit ganito ka lang kaliit pero mas may puruhan kung matangkad,” ayon kay Ashley Crystal Jade Hilig, Team Capt, JMC Lady Royals.
“Great experience po as well as great opportunity kasi ‘yung mga kalaro namin is 1st runner up ng NCAA then ‘yung La Salle din champion ng UAAP so grabe ang experience,” ayon kay Johma Mae Palero, Outside Hitter, JMC Lady Royal.
“Natutuwa kami kasi nakipag-compete kami dito sa Manila although naraming mga players na malalakas and great opportunity ito sa amin na matuto kami sa mga laro dito sa Manila,” ayon kay Keith Claire Guma, Libero, JMC Lady Royals.
Hindi rin pinalampas nina Coach Villaber at ng mga players na pasalamatan ang butihing Pastor na si Pastor Apollo C. Quiboloy sa suporta na ibinigay nito sa JMC Lady Royals.
“Message ko kay Sir, Pastor Apollo C. Quiboloy, Sir thank you for everything without you we cannot be here, we cannot compete here without your support thank you for everything Sir thank you,” ani Coach Villaber.
“Thank you po Pastor, thank you sa iyong malaking suporta sa team. Salamat kasi kahit nandito na kami nanjan ka pa rin na sumusuporta sa amin salamat din sa pagsuporta sa aming pag-aaral thank you talaga Pastor,” ayon kay Ashley Crystal Jade Hilig.
“Pastor thank you po sa support Pastor, hindi kami makapunta dito. Kung wala ‘yung suport niyo po, thank you po,” dagdag ni Johma Mae Palero.
“Thank you Pastor Apollo Quiboloy for giving us opportunity na makapunta dito. Na feel namin ang iyong support at thank you sa mga ibinibigay mo na foods and sapatos Pastor,” dagdag ni Keith Claire Guma.
Isa ang JMC Lady Royals sa dalawang top teams mula sa Mindanao na lumahok sa naturang national invitational’s na nilahukan din ng 10 pang teams mula NCAA at UAAP at mga magagaling na koponan ng Visayas.
