IPINANUKALA si Senator Raffy Tulfo ang batas na nagbabawal sa mandatoryong pagkolekta ng anumang bayad o kontribusyon mula sa mga estudyanteng nag-aaral sa pampublikong eskwelahan.
Sa inihaing Senate Bill (SB) No. 2420, iginiit ni Tulfo na ang mga nag-aaral sa pampublikong paaralan ay maaaring panghinaan ng loob sa kanilang pag-aaral kapag nagpataw pa ng karagdagang bayarin sa paaralan.
“By implementing a no collection policy in public schools, this bill seeks to eliminate the barriers that hinder the enrollment and retention of students,” saad ni Tulfo.
“Families with limited financial means will no longer face out-of-pocket costs associated with sending their children to school, thus promoting inclusivity and equal opportunities in education,” dagdag niya.
Sa ilalim ng SB No. 2420, hindi maaaring kumolekta ng bayad mula sa mga mag-aaral na nag-eenrol sa pre-school hanggang Grade IV, sa enrollment period at buong school year.
Para sa mga lampas Grade IV na, walang anumang uri ng koleksiyon ang dapat gawin sa panahon ng enrollment at unang buwan ng mga klase. Simula sa ikalawang buwan, ang mga kontribusyon para sa ilang membership lamang ang maaaring kolektahin, ngunit boluntaryo lamang at hindi dapat hilingin. Kabilang dito ang mga Boy/Girl Scouts at Red Cross membership.
Ang panukalang batas ni Sen. Idol ay alinsunod sa pagkamit ng Education For All (EFA) Plan 2015 at ang Millennium Development Goals (MDGs), partikular na tungkol sa partisipasyon ng elementarya.