President Zelenskyy, tinanggal sa puwesto ang defense minister

President Zelenskyy, tinanggal sa puwesto ang defense minister

TINANGGAL ni Ukrainian President Vlodymyr Zelenskyy ang Defense Minister na si Oleksii Reznikov sa posisyon.

Si Reznikov ang naging head ng Defense Ministry ng Ukraine bago pa magsimula ang digmaan sa pagitan ng Russia at Ukraine noong 2022.

Sa kaniyang address, inihayag ni Zelenskyy na panahon na para sa bagong pamamaraan sa Defense Ministry.

Samantala, si Rustem Umerov naman na namamahala ng State Property Fund ng Ukraine ang nominado para sa posisyon.

 “One more thing is very important….I believe the parliament will support this decision,” ayon kay President Volodymyr Zelenskyy, Ukraine.

Ayon sa lokal na media, sinabi ng former defense minister na kung bibigyan pa siya ni Zelenskyy ng pagkakataon na magtrabaho sa iba pang proyekto ay papayag ito.

Ngunit ayon sa mga eksperto, posibleng walang maiambag na malaking pagbabago sa estratehiya sa laban ng Ukraine ang pagbabago sa gabinete nito.

Ayon sa Transparency International’s Corruption Perceptions Index, nasa ika-116 na puwesto ang Ukraine sa 180 bansa, ngunit dahil sa mga pagsisikap nitong nagdaang mga taon, mas naging maganda na ang kaniyang posisyon.

Bagama’t hindi personal na isinasangkot si Reznikov sa katiwalian, may ilang iskandalo sa Kagawaran ng Depensa na may kinalaman sa pagbili ng mga kalakal at kagamitan para sa tropa nito sa mataas na presyo.

Noong nagdaang buwan, nagbitiw sa kaniyang puwesto ang Deputy ni Reznikov na si Vyacheslav Shapovalov dahil sa isang iskandalo.

Sa panahong iyon, malawakang iniulat na halos mawala na rin ang posisyon ni Reznikov.

Sa oras na iyon, inihayag ni Reznikov na malinis ang kaniyang konsensiya.

Samantala, ang Kagawaran ng Depensa ay nagkaroon din ng mga kontrobersiyal na pag-aresto sa Regional Recruitment Offices kamakailan, kung saan ang mga opisyal ay inaakusahan ng pangungupit upang payagan ang mga lalaki na maiwasan ang pagsali sa militar ng Ukraine.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter

Follow SMNI NEWS on Rumble