MAGIGING digitalized na ang transaksiyon sa loob ng Commission on Higher Education (CHED) sa mga susunod na linggo sa pakikipagtulungan sa Department of Information and Communication Technology (DICT).
Ayon sa CHED, magiging daan din ang pakikipagkasundo sa DICT para matulungang ma-digitalized ang mga higher education institutions (HEIs).
Isang ceremonial signing ng memorandum of understanding (MOU) ang nilagdaan ng CHED at DICT para sa e-governance.
Nilalayon ng kasunduan na mapabilis at mapagaan ang transaksiyon ng komisyon sa mga HEI sa pamamagitan ng digitalisasyon.
Katulad ng pagkuha ng mga academic document, record, at database sa higit 2-K public at private HEIs.
Aminado si Prospero E. de Vera III na hindi pa lahat ng HEI ay handa para sa digitalisasyon kung kaya uunahin muna ang mga HEI na nakapag-invest sa kanilang IT solutions.
Halimbawa, gagawing digitalized ang pagproseso o pagkuha ng mga certification, authentication and verification (CAV) certificates.
Ang CAV ay isang dokumento na hinihingi sa mga Pilipinong nais mag-aral o magtrabaho sa ibang bansa.
Tiniyak naman ni DICT Sec. Ivan John Uy ang seguridad sa oras masimulan na ang digitalisasyon sa komisyon.
Sinabi pa ni Uy, walang dapat ipangamba pagdating sa data security dahil naka-integrate ito sa national cybercrime plan.
Ang hakbang na ito ng CHED at DICT ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. na layuning mapabilis ang pagbibigay serbisyo sa mga Pilipino.
Matatandaang, umabot na sa higit 20 ahensiya ng pamahalaan ang nakipagtulungan sa DICT na layuning ma-optimize ang pag-proseso sa kanilang mga dokumento sa pamamagitan ng IT solutions.