DAPAT i-persona non grata, ito ang binitawang salita ni National Youth Commission (NYC) Chairman Usec. Ronald Cardema kaugnay sa naging pahayag ni UN Special Rapporteur on Human Rights Dr. Ian Fry na dapat buwagin ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).
Ayon sa UN official, nakausap nito ang ilang civil organizations at nabanggit ng mga ito sa kaniya ang hindi magandang balita kaya naman iminungkahi nito sa gobyerno ng Pilipinas na buwagin ang NTF-ELCAC.
Malinaw aniya na nilalabag nito ang mandato at ang red-tagging sa mga tao bagay na pinalagan ni Usec Cardema.
Ayon sa NYC Chairman, walang alam ang nabanggit na UN official sa kung ano ang tunay na ginagawa ng mga komunistang teroristang grupong CPP-NPA-NDF sa mga kabataan.
“Dapat i-persona non grata sa Pilipinas ‘yan, anong alam niya? Tsaka, activities ng CPP-NPA dito sa bansa kung paano sila mag-recruit sa mga paaralan sa mga estudyante at sa mga kabataan, hindi niya alam, bakit niya sasabihing i-abolish. Napaka-successful ng NTF-ELCAC in the past 4-5 years sa ating bansa, talagang nag-dwindle ang recruitment sa hanay ng kabataan at mag-aaral at ang mga guerilla fronts ng mga NPA talagang nagsukuan na at bumagsak na kakaunti na lang, ’yan ang success ng NTF-ELCAC,” pahayag ni Usec. Ronald Cardema, Chairman, National Youth Commission.
Sang-ayon naman dito si Executive Director of the Presidential Task Force on Media Security Usec Paul M. Gutierrez, aniya kahit pa marami na ang naging katagumpayan ng NTF-ELCAC ay marami pang dapat gawin ang pamahalaan dahil nakokontrol pa ng mga kaaway ng estado ang international community.
“Kasi kung itong rapertor na ‘to ay well-informed hindi siya aabot sa ganyang conclusion eh, kasi nangyayari dito, nakikita lang natin dito ang mga propagandista ng CPP-NPA, ang natatanggap niya na impormasyon in other words. Kaya ko nasabi na marami pa tayong dapat gawin kasi nga pagdating sa international, magaling itong mga to, di ba ito ang dapat nating ma-counter,” ani Usec. Paul Gutierrez, Exec. Director of the Presidential Task Force on Media Security.
Bago paman ito ay nauna nang nagbigay ng pahayag ang NTF-ELCAC at sinabi na limitado lang ang panahon nito sa kaniyang pagbisita dito sa Pilipinas at inimbitahan pa ng NTF-ELCAC ang UN official para sa isang dayalogo bago gawing pinal ang kaniyang report.
