Matapos ang kaniyang “Sunshine Swing” campaign, babalik si Alex Eala sa aksiyon sa Linz Open mula Abril 6 hanggang 12, kung saan sasabak siya sa isa sa kanyang mga unang torneo sa clay court ngayong season.
Makakasama niya sa draw ang ilang kilalang manlalaro tulad nina Emma Raducanu, Clara Tauson, Jelena Ostapenko, at defending champion na si Ekaterina Alexandrova—na inaasahang magbibigay ng matinding hamon sa Filipina tennis star.
Sa Miami Open, natapos ang kampanya ni Eala sa Round of 16 matapos matalo kay No. 14 Karolina Muchova ng Czech Republic, 0-6, 2-6. Dahil dito, nakakuha siya ng 120 ranking points, mas mababa kumpara sa 390 points na nakuha niya noong nakaraang taon nang umabot siya sa semifinals.
Inaasahang bababa sa ranggo si Eala, posibleng pumalo sa pagitan ng rank 45 hanggang 50 kapag na-update ang opisyal na rankings sa susunod na linggo.
Sa Linz Open, target ni Eala na makabawi at maipakita ang kanyang galing sa clay court habang pinananatili ang momentum sa kanyang international tennis career.
