HINDI dapat Department of Foreign Affairs (DFA) ang kinontak ng US military planes hinggil sa kanilang pag-landing sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Sinabi ni Atty. Harry Roque, kung isa kang eroplano, dapat ay sa mismong paliparan o ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) makipag-ugnayan para maayos ang pag-landing.
Ayon pa kay Atty. Roque, nais niyang malaman ang panig ng DFA hinggil dito.
Nitong Hulyo 7 ay dumating sa Manila bandang 6:03 ng umaga ang isang US Air Force C-17.
Mula ang US Air Force sa Guam at nilisan ang Manila papuntang Palawan bago 1:00 ng hapon at tuluyan nang tumungo sa Yokota Air Base sa Japan ilang oras ang nakalipas.
Nitong Hulyo 8 ay isang Boeing C-17 mula Tokyo naman ang nakita sa Busuanga, Palawan bandang 10:00 ng umaga.
Sa katunayan, iminungkahi na ni Sen. Imee Marcos na magandang paigtingin ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang pagmo-monitor ng US military planes sa mga paliparan ng bansa.
