HINDI makakasama ang Filipino ‘Big Man’ na si Kai Sotto sa Gilas Pilipinas sa 2023 Heyuan WUS International Basketball Tournament sa China na nakatakdang magsimula sa Miyerkules.
Kinumpirma ito ng Gilas team manager na si Butch Antonio matapos magtamo ng back injury habang naglalaro para sa Orlando Magic sa NBA Summer League sa Las Vegas.
Samantala, ayon kay Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) President Al Panlilio, asahang darating sa China sa Agosto 6 si Jordan Clarkson.
Inaasahan ding makakasali sina June Mar Fajardo, AJ Edu, Justin Brownlee at Ange Kouame sa Torneo.
Ang Gilas Pilipinas ay nasa huling yugto na ng paghahanda para sa 2023 FIBA World Cup ngayong buwan.
Makakaharap naman ng Gilas ngayong Agosto 4 at 7 ang Asian Powerhouse na Iran at ang Senegal sa Agosto 6.