PINASALAMATAN ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) ang Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) sa naging matagumpay na pagkakahuli kay Dindo Monsanto.
Si Monsanto ay kilala at notorious na top commander ng Regional Operations Command ng Communist Terrorist Group sa Bicol Region Party Committee at Central Committee Member ng CPP-NPA-NDF.
Si Monsanto rin ang nagsagawa at responsable sa mga major atrocities kagaya ng pagpatay sa UAAP Football MVP ng FEU na si Kieth Absalon, Jr. noong June 6, 2021.
Kaugnay nito binigyang-diin ni NTF-ELCAC Vice-Chairperson at National Security Council Secretary Eduardo M. Año na nananatili ang panindigan at suporta ng pamahalaan sa whole of nation approach upang makamit ng bansa ang kapayapaan.
Disidido rin ang gobyerno na ubusin ang mga natitirang terorista sa bansa lalo pa at humihina na ang puwersa ng CPP-NPA-NDF.
Guerilla front ng mga terorista, 2 na lang—AFP
Ayon kay AFP chief of staff Gen Andres C. Centino na mula sa 89 na guerilla fronts sa buong bansa, 67 rito ay nabuwag na ng mga awtoridad.
Habang nasa 22 na lang ang nananatili ngunit sa nasabing bilang, 20 rito ay mahina na at 2 na lang ang aktibong guerilla fronts na gumagalaw sa Northern Samar.
Kaugnay nito, sinabi ni Gen. Centino na sapat ang bilang ng militar na tutugis sa mga bandido, katunayan aniya nagpadala na sila ng tauhan na magmomonitor sa Northern Samar.
PNP mas palalakasin ang police visibility sa mga barangay
Samantala, sa panig naman ng PNP sinabi ni PGen. Benjamin Acorda, Jr. na mas palalakasin pa nila ang police visibility sa mga barangay na tutugon sa mga hinaing ng mamamayan sa mga liblib na lugar.
Naniniwala kasi si Gen. Acorda na kapag naipaabot sa mga liblib na lugar ang tulong ay magbabago ang pananaw ng isang indibidwal sa pamahalaan.
Sa ngayon ay patuloy ang panghihikayat ng mga awtoridad sa mga natitirang grupo ng CPP-NPA-NDF na magbalik-loob na sa pamahalaan upang makamit ang tunay na kapayapaan sa bansa.
