KUNG si Health Secretary Francisco Duque III ang papipiliin, aniya mas pabor siya na magkaroon ng flexibility sa pagsusuot ng face shield kaysa gawin itong mandatory.
Aniya mas maiging idepende ang paggamit ng naturang protective tool sa risk assessment level ng isang lugar.
“Ang tawag dito risk-based use of face shield,” saad ni Duque.
“Puwedeng gawing voluntary under certain circumstances, siguro Alert Level 2. Pero iyong mga 3Cs, kinakailangan pa rin tayong mag-face shield diyan. Pagka nagtaasan na naman ang kaso, puwede natin gawing mandatory sa Alert Level 3 and 4,” paliwanag ng health official.
Sa kabila nito, pinaalalahanan ni Duque ang mga lokal na pamahalaan na hintayin ang opisyal na rekomendasyon ng pandemic task force ukol sa paggamit ng face shield.
“Well, antayin natin iyong recommendation ng technical advisory groups of experts. Kasi hindi puwedeng tayu-tayo lang ang magdidesisyon ng mga ganito na hindi naman tayo experts,” aniya.
Matatandaang nitong Lunes, epektibong ipinatupad sa lungsod ng Maynila ang hindi paggamit ng face shield maliban sa mga ospital.
Una na ring nag-isyu ng resoluasyon ang Metro Manila Council sa Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) na ikonsidera ang pagtanggal ng face shield sa Metro Manila dahil sa mas mababang COVID-19 transmission.
Aasahang sa Huwebes na ilalabas ang opisyal na rekomendasyon ng mga health expert tungkol sa paggamit ng face shield ayon sa Department of Health.
