PBBM, isinulong ang nutrition security sa World Economic Forum

PBBM, isinulong ang nutrition security sa World Economic Forum

SA ikatlong araw ng World Economic Forum (WEF) sa Davos, Switzerland, nabigyan ng pagkakataon si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na magsalita sa isang panel discussion ukol sa nutrition security o ang kasiguruhan na may access ang bawat indibidwal sa sapat, ligtas, at masustansyang pagkain para sa isang aktibo at malusog na buhay.

Sa kaniyang opening speech, ibinahagi ng Pangulo ang mga hakbang na maaring gawin ng mga bansa upang maabot ang nutrition security.

Ilan sa mga ito aniya ay ang pagpapalakas ng agriculture at fishery productivity, pagpapabuti ng mga logistic system at pagbabago ng pamumuhay ng mga tao.

Isinusulong din ni Pangulong Marcos ang ideya ng paggamit ng mga climate-resilient technologies at pagtataguyod ng urban at vertical farming sa mga urban area upang mapabuti ang food production.

Kinakailangan din ayon kay Pangulong Marcos na mamuhunan sa mga pasilidad, logistic at sistema upang makapagbigay ng mga masusustansiyang pagkain.

Binibigyang-diin ng Punong Ehekutibo ang kahalagahan ng pagdagdag ng kapasidad ng mga institusyon na ipatupad ang mga regulasyon na magpapabuti sa kalidad ng pagkain.

Follow SMNI NEWS in Twitter