NAGHAIN ng resolusyon si Senator Idol Raffy Tulfo para paimbestigahan ang mga matataray na government workers sa trabaho.
Sa Senate Resolution No. 554 o ang Anti-Taray Bill na inihain ni Tulfo ay may layunin na magpapataw ng mabigat na parusa sa mga bastos na taong-gobyerno.
Aniya, madalas na naririnig na reklamo mula sa taumbayan, na sila ay tinarayan, pinahiya, binastos, sinigawan at di tinulungan sa isang tanggapan ng gobyerno.
Ayon kay Sen. Tulfo, ang mga taong-gobyerno ay dapat magalang, mahaba ang pasensiya at maunawain sa pagbibigay ng serbisyo publiko.
At kung di nila ito kayang gawin, wala silang karapatang manungkulan.
Dagdag niya, ang taumbayan ang nagpapasahod sa mga taong-gobyerno kaya dapat tratuhin ng mga taga-gobyerno ang taumbayan na lumalapit sa kanila bilang kanilang mga amo.
Matatandaang maraming reklamo ang lumabas kamakailan lamang sa mga Immigration at airport personnel at iba pang trabahador sa mga tanggapan ng gobyerno tulad ng Philippine National Police, at mga educational and training institutions na lahat ay may kinalaman sa pambabastos at pagtataray nila.
Kaya binigyang-diin ni Tulfo na kapag nagkaroon na ng Anti-Taray Bill, ang mga bastos at tamad na taong-gobyerno ay mapapatawan ng mabigat na parusa tulad ng pagkakatanggal sa serbisyo.
