Ukrainian ambassador to Australia, hinihiling ang pagtatanggal ng kontrobersyal na mural sa Melbourne

Ukrainian ambassador to Australia, hinihiling ang pagtatanggal ng kontrobersyal na mural sa Melbourne

HINILING ng Ukrainian ambassador to Australia na tanggalin ang malaking mural sa Melbourne na nagpapakita na magkayakap ang mga sundalong Russian at Ukrainian.

Humingi ng paumanhin sa publiko ang Melbourne artist na si Peter Seaton matapos na umani ng maraming kritisismo ang kanyang kontrobersyal na mural ng nagyayakapang sundalo mula sa Russia at Ukraine.

Sampung araw ang ginugol ni Seaton para maipinta ang kontrobersyal na mural na pinamagatang “Peace Before Pieces” na matatagpuan sa Central Business District.

Ayon sa artist, una siyang umani ng mga papuri mula sa mural na ito pero bigla siyang nakatanggap ng babala na posibleng maging negatibo ang labas ng artwork na ito matapos ipakita noong nakaraang linggo.

Isa na nga rito ang Ukrainian ambassador to Australia na si Vasyl Myroshnychenko na hiniling na tanggalin ang mural na ito at sinabing masyadong offensive at nakakadismaya ito.

Ayon sa diplomatiko, hindi umano pantay ang pinalalabas ng mural na ito sa pagitan ng biktima at mananakop at posibleng walang clue ang artist na ito sa gulo sa pagitan ng Russia at Ukraine.

Nakatanggap din ng malawakang kritisismo ang nasabing artwork sa Ukrainian community sa Australia.

Samantala, humingi naman ng paumanhin ang artist at tinanggal na ang mural pero inihayag na masaya siyang nakapagpakita ng mensahe ng kapayapaan at pagiging makatao.

Follow SMNI NEWS in Twitter