DINAKIP ng mga tauhan ng PNP Anti-Cybercrime Group (ACG) ang apat na Chinese at dalawang Taiwanese na pugante sa kanilang bansa.
Ito ay matapos mapasama sa halos 3,000 indibidwal na nasagip sa sinalakay na Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) Hub sa Las Piñas City.
Sinabi ni PNP Anti-Cybercrime Group (ACG) Director Police Brigadier General Sidney Hernia na natunton ang anim na indibidwal kasunod ng isinagawang documentation ng kanilang mga tauhan.
Ayon kay Hernia, pinayagan na nilang makauwi ang mahigit 1,000 Filipino na nailigtas sa operasyon habang itu-turnover sa Bureau of Immigration (BI) ang mga dayuhang manggagawa.
Maliban dito, na-inquest na sa Department of Justice (DOJ) ang limang Chinese dahil sa paglabag sa RA 11862 o Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2022, kaugnay ng RA 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012.
